NEW YORK (AFP) – Talamak ang nakawan ng ice cream sa New York at nasagad na ang pasensiya ng isang bilyonaryo. Nitong Biyernes, nag-alok na ang supermarket tycoon ng $5,000 pabuya sa sinumang makatutulong sa pagdakip sa mga suspek.

Sinabi sa AFP ni John Catsimatidis, may-ari ng mga Gristedes grocery store, na nagsasawa na siya sa paulit-ulit na pagsisimot ng mga gang sa kanyang mga freezer para ibenta ang mga mamahalin niyang ice cream sa maliliit na tindahan sa murang halaga.

“Our managers have been going through the refrigerator cases and they’re wiped out,” sabi ni Catsimatidis. “This gang of three to four people comes in and puts them in large shopping bags, they distract the manager and sell them.”

Sa pinakamalaking isang beses na nakawan ay natangay ang nasa 100-125 tub na nagkakahalaga ng $700-800, at pinakamadalas biktimahin ang mga tindahan sa Manhattan, aniya.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Reklamo pa ni Catsimatidis, anim na buwan nang nagpapaulit-ulit ang pagnanakaw sa kanyang mga ice cream.

Inilabas ang pabuya sa kasagsagan ng heatwave sa New York, na inaasahang magtatagal hanggang sa Linggo.

Dahil sa alinsangan ng panahon, mararamdaman ang hanggang 110 degrees Fahrenheit (43 degrees Celsius) bagamat mas mababa ang aktuwal na temperatura.

Nang tanungin kung sa tingin niya ay makatutulong ang iniaalok niyang $5,000 pabuya, sinabi ng self-made tycoon na umaasa siyang ituturo sa kanya ng may-ari ng maliliit na tindahang suki ng magnanakaw kung sinu-sino ang mga suspek.

Sa Twitter inihayag ng bilyonaryo ang pabuya, sinabing “ice cream bandits are wreaking havoc on NYC supermarkets—ginaya ang headline ng New York Post tabloid.

Kinumpirma naman ng pulisya na may 250 nagreklamo laban sa pagnanakaw ng ice cream at nasa 130 na ang naaresto ngayong 2016.

Nag-migrate ang pamilya sa New York mula sa Greece noong siya ay sanggol pa lamang, tinaya ng Forbes sa $3.4 billion ang yaman ni Catsimatidis.