AYAW magkuwento ni Yassi Pressman nang tanungin kung matagal na siyang umalis sa Bahay ni Kuya dahil may nakakita na sa kanya habang nagmo-malling. Ang sabi lang niya, alam ni Big Brother na nagpunta siya sa mall.

Nang tanungin kung bakit siya sumali sa Pinoy Big Brother Season 7 at kung ano ang mga nangyari sa loob?

“Marami po kasing hindi puwedeng sabihin, ang masasabi ko lang po, isa siyang experience na nagbago po or nakapagbago po ng life ko,” sagot ni Yassi. “Dati po, sobrang thankful na ako sa lahat ng meron ako. Nawalan na rin kasi ako dati ng work, ngayon nagkaroon po ako ng mga blessings ngayon ng marami pong trabaho kaya sobrang thankful ako sa work.

“Nu’ng nandoon po ako sa loob ng bahay, marami akong bagay na nati-take for granted like food na lahat po tayo mayroong food. Na kapag nawalan po tayo, ang hirap. Sleeping on a bed na maliliit na bagay.

‘Bullying needs to stop now!' Rabiya Mateo na-diagnose na may depression, anxious distress

“Kaya ngayon po, kahit saan ako magpunta at napapansin ko lahat ng maliliit na bagay ay nagiging thankful po ako,” kuwento ng dalaga.

Sumali siya sa PBB, “Sa akin po kasi hindi siya kung anong level ko po bilang artista or bilang tao. Pumasok po ako kasi una, gusto kong ma-experience dahil napapanood ko ‘yung show, fan ako ng show simula sa simula and gusto kong maka-experience ng ganu’ng bagay na hindi talaga nararanasan ng tao. ‘Tapos, when I got in, doon ko naranasan na sobrang iba pala talaga kapag nandoon ka na sa loob ng bahay dahil hindi mo siya mako-compare kahit sa anong experience na magagawa mo outside.”

Umasa ba siya na maging big winner?

“Hindi po, hindi naman kasi ‘yun ang goal ko. Ang goal ko po ay magkaroon ng friends pa in the house and to experience kung ano ba ang ginagawa sa loob ng Bahay ni Kuya, sino ba si Kuya at ano ang pakiramdam kapag narinig mo ang boses ni Kuya.”

At paglabas niya ng bahay, may offer na kaagad sa kanya?

“Secret, ha-ha-ha. Hindi ko po puwedeng sabihin, basta mapapanood n’yo na lang po, secret po talaga, abangan na lang po natin,” natatawang sagot niya sa amin.

Na-excite ba siya nang ialok sa kanya ang project?

“Sobra po, pero hindi po puwedeng pag-usapan, wala po akong puwedeng ikuwento talaga.”

Sobrang excited si Yassi sa pagkakapunta niya sa ABS-CBN dahil, “Pinangarap ko po talaga ‘yun. Sa GMA po kasi, doon po ako unang dinala kaya parang ‘yun po talaga ‘yung place for a long time, two years na rin po na wala akong network talaga.

“Sa GMA po, hindi ako pumirma sa kanila kaya simula po nu’ng nagsimula ako, wala talaga akong network contract, I’m a freelancer po, eversince.”

Isa pa sa mga pangarap ni Yassi ay makapag-perform sa ASAP para ipakita na marunong siyang kumanta.

“Iilan lang din po kasi ang nakakaalam na marunong akong kumanta, sana po mai-share ko rin po iyon sa lahat.”

Samantala, gagampanan ni Yassi ang karakter ni Jessica sa Camp Sawi na isang perky cheerleader na iniwan ng kanyang varsity boyfriend.

Mapapanood ang Camp Sawi sa Agosto 24 mula sa direksiyon ni Irene Villamor produced ng Viva Films at N2 na pag-aari ni Neil Arce na siya ring may concept ng kuwento ng pelikula. (REGGEE BONOAN)