Digong, nagbigay ng dagdag na P2M kay Diaz; Philippine Sports Institute, ilalarga ng PSC.
Siksik, liglig, umaapaw.
Higit pa sa inaasahan ang biyayang nakamit ni Hidilyn Diaz sa kanyang pagbabalik mula sa matagumpay na kampanya sa Rio Olympics.
Hindi man magarbo, punong-puno ng papuri at kasiyahan ang sumalubong kay Diaz mula sa Manila International Airport hanggang sa Panacanang – tinaguriang Malacañang in the South – kung saan personal siyang sinalubong ng Pangulong Duterte.
Matapos ang pagbati at ilang minutong paguusap kung saan naibahagi ng 25-anyos na pambato ng Zamboanga City ang kanyang karanasan sa Rio Olympic, ibinigay ng Pangulong Duterte kay Diaz ang tseke na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Ang naturang halaga ay alinsunod sa Athletes Incentives Act.
Sa isinagawang media conference, hindi napigilan ni Duterte ang kasiyahan sa tagumpay na hatid ni Diaz at nagkaloob ng karagdagang P2 milyon mula sa Presidential funds.
“I support all your plans. For that, I’ll give you an additional P2 million,” pahayag ni Duterte, patungkol sa naging plano ni Diaz na bilhin ang lupain sa tabi ng kanilang bahay para pagtayuan ng weightlifting gym para magamit ng kanyang mga kababayan na nais tumulad sa kanya.
“Maraming bata sa amin na gustong mag-weightlifting pero kulang kami sa lugar at kagamitan. Ngayon po, meron na akong puhunan para maturuan ko ang aking mga kababayan na may pangarap umasenso sa sports,” pahayag ni Diaz.
Kinatigan ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pahayag ni Diaz at sinabing nagsisimula na ang ahensiya para maisulong ang Philippine Sports Institute (PSI).
Ayon kay Ramirez, ang PSI ang magiging pundasyon para mapatibay ang programa ng pamahalaan, higit sa grassroots sport development.
“Marami tayong talent, pero nahihirapan mag-excell kasi kulang sa kaalaman at tamang training. With President Duterte’s all-out support in sports bago mag-December all system go na ang PSI,” sambit ni Ramirez,
Nakapaloob sa PSI, ayon kay Ramirez ang sports medicine, psychology, nutrition, talent identification.
“Tayo na lamang sa Asia ang walang Sports Academy. Panahon na para makamit ng ating mga atleta ang lahat ng suporta para sa kanilang pangarap na maging world-class,” ayon kay Ramirez.
Ipinahayag din ng Philippine Air Force ang promotion kay Diaz bilang Airwoman First Class. Si Diaz ay kabilang sa 710th Special Operations Wing kung saan nakadetalye ito sa Personnel Management Center ng AFP Special Services Group.
Sinamahan ni PSC Commissioner Charles Maxey si Diaz sa paguwi sa kanyang bayan sa Zambaonga City kahapon kung saan pinagkalooban siya ng ‘Hero’s Welcome’ at binigyan ng P500,000.000 cash gift. (Angie Oredo)