CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Anim na katao ang napatay sa magkahiwalay na anti-drug operation at pamamaril sa Albay, nitong Huwebes ng gabi.
Sinabi ni Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, na dakong 7:55 ng gabi nitong Huwebes nang magsagawa ang pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Albay, Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (RAIDSOTG)-Legazpi City, at Guinobatan Municipal Police, ng buy-bust operations laban kay Ferdinand Rigo y delos Reyes, alyas “Dindo”, sinibak na pulis, ng Barangay Calzada, Guinobatan, sa Ka Daps Corner Bar sa Bgy. San Francisco.
Ayon kay Calubaquib, pinaputukan ng mga kasama ni Rigo ang mga pulis pagkatapos ng buy-bust kaya gumanti ng putok ang mga operatiba sa mga kasamahan ng dating pulis na sina PFC Joel Coderesy Serdan, 26, aktibo sa 31st Infantry Brigade ng Philippine Army, ng Bgy. San Agustin, Iriga City; Valdemar Olaguer y Ogayon, 31, ng Bgy. Quibongbongan; at ang kinakasama ni Olaguer na si Crisanta de Castro y Villarino, 36, ng Bgy. Mauraro, parehong sa Guinobatan.
Sinabi ni Calubaquib na hindi na umabot nang buhay sa Josefina Belmonte Duran Medical District Hospital (JBDMH) sa Ligao City ang mga suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng baril, tatlong transparent plastic sachet na may hinihinalang shabu, dalawang granada, pera, personal na mga gamit, at mga basyong bala.
Kinumpirma naman ni Chief Insp. Luke Ventura, hepe ng Guinobatan Police, na dating pulis si Rigo at nasibak sa serbisyo siyam na taon na ang nakalilipas dahil sa pamamaril. Nasa watchlist din umano ng pulisya si Rigo dahil sa pagtutulak ng droga.
Dakong 10:45 ng gabi nang ikasa ang isa pang buy-bust operation sa Bgy. Del Rosario sa Camalig laban kay Emerson Llanza, Jr., 29, ng Daraga. Nanlaban umano si Llanza kaya napatay ng mga pulis.
Binaril at napatay naman ng riding-in-tandem, dakong 6:59 ng gabi, si Gilbert Alfajaro y Reyes, 35, ng Bgy. Bigaa, Legazpi City, Albay, habang sakay sa tricycle. (NIÑO N. LUCES)