DAVAO CITY – Ikinalungkot ni Pangulong Duterte ang balitang hindi nakuha ni Olympic silver medalist Mansueto ‘Onyok’ Velasco ang P2.5 milyon cash incentives mula sa pamahalaan.

Kaagad niyang pinag-utos ang pagrebisa sa mga dokumento upang malaman kung ano ang naging pagkukulang ng pamahalaan at nabigong ipagkaloob ang naturang halaga na 20 taon na ang nakalilipas.

“Who made the promised? Maybe we should ask them,” pahayag ni Duterte.

Aniya, kung tunay na may pagkukulang ang pamahalaan handa siyang ibigay ang naturang halaga kay Velasco, batay sa itinatadhana ng batas.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa panayam ng Manila Bulletin kay dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman at ngayo’y pangulo ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) Philip Ella Juico, itinanggi nito ang pahayag ni Velasco na nagkulang ang pamahalaan sa pagbibigay ng cash incentives.

“I don’t know what he is talking about,” sambit ni Juico.

Ayon kay Juico, nakuha ni Velasco ang lahat ng pangako ng pamahalaan kabilang ang bagong house and lot at dalawang sasakyan na kaloob ng Nissan.

“Ang tagal na noon. Kung hindi namin ito naibigay bakit wala siyang sinasabi at reklamo sa amin. Ang daming pagkakataon na nagkikita kami sa mga okasyon, nitong huli nga sa meeting ng Olympian Association,” sambit ni Juico.

Nakamit ni Velasco ang silver medal sa boxing event sa 1996 Atlanta Olympics. Ito ang huling pagkakataon na nagkamedalya ang boxing at Pinoy sa quadrennial Games hanggang sa matuldukan ni Diaz sa impresibong panalo sa 53 kg ng women’s weightlifting competition sa Rio. (Yas D. Ocampo)