RIYADH, Saudi Arabia (AFP) – Isang Pinoy ang kabilang sa 14 katao na nililitis kaugnay sa pagbagsak ng isang crane sa Saudi Arabia na ikinamatay ng mahigit 100 pilgrim sa pinakabanal na lugar para sa Islam.

Anim na mamamayan ng Saudi Arabia, kabilang ang isang Saudi billionaire, dalawang Pakistani, isang Canadian, Jordanian, Palestinian, Egyptian, Emirati at isang Pilipino ang inaakusahan ng “negligence leading to death, damaging public property and ignoring safety guidelines” sa pagbagsak ng 1,350-toneladang crane sa Mecca noong Setyembre 2015, iniulat ng mga pahayagang Okaz at Saudi Gazette nitong Huwebes.

Hindi isinapubliko ang mga pangalan ng mga akusado.

Ang trahedya sa Grand Mosque sa lungsod ng Mecca ay nagresulta sa pagkamatay ng 108 katao at pagkasugat ng halos 400 iba pa, kabilang ang mga banyaga na dumating para sa taunang hajj pilgrimage na nagsimula sa huling bahagi ng nasabing buwan.

Mga labi ng OFW na natagpuang patay sa kuwarto niya, naiuwi na sa bansa

Umihip ang nakapakalakas na hangin na nagpabagsak sa isang construction crane sa courtyard ng Grand Mosque. Isa ito sa ilang crane na inupahan ng Saudi Binladin Group bilang bahagi ng multi-billion-dollar expansion para maging tuluyan ng lumalaking bilang ng mga mananampalataya.

Pinarusahan ni Saudi King Salman ang Binladin Group matapos repasuhin ang finding ng investigative committee na “in part responsible” ang kumpanya sa pagbagsak ng crane.

Itinanggi ng mga akusado ang akusasyon laban sa kanila, iginiit na bumagsak ang crane dahil sa masamang panahon.

Iniutos ng criminal court sa Jeddah, kung saan nagsimula ang paglilitis noong Miyerkules, ang bagong sesyon sa susunod na buwan upang mabigyan ng pagkakataon ang depensa na sagutin ang mga akusasyon.