ANG pambansang budget ang nag-iisa at pinakamahalagang batas sa alinmang Kongreso at marapat lamang na bigyang prioridad ito kaysa mga hakbangin upang tipunin ang Kongreso para sa isang Constitutional Assembly upang amyendahan ang umiiral na 1987 Constitution.
Inihayag nitong Martes ni Speaker Pantaleon Alvarez na inaasahan ng Kamara na matatanggap na ang panukalang batas para sa 2017 General Appropriations Act sa Lunes, Agosto 15, mula kay Budget Secretary Benjamin Diokno. Aabot ito sa kabuuang P3.35 trilyon, 11.6 na porsiyentong mas mataas kaysa budget ngayong 2016 na P3.002 trilyon.
Tatalakayin ng Kamara ang nasabing panukala at masusing bubusisiin ito, aaprubahan, bago ipadadala sa Senado.
Magiging mahaba ang proseso, dahil bilyun-bilyong piso ng buwis at inutang na pera ang sangkot dito, at pagkatapos ay isusumite na sa Malacañang. Dapat na aprubahan ng Kongreso ang Pambansang Budget sa Nobyembre at lagdaan ito ni Pangulong Duterte bilang batas bago pa man magsimula ang bagong taon. Hindi maaaring magkaroon tayo ng re-enacted na pambansang budget, na nangyari ilang taon na ang nakararaan sa mga nakalipas na administrasyon nang nagtagal sa kani-kanilang panahon ang Malacañang at Kongreso, hanggang sa hindi na magkaroon ng kasunduan o maaaring nakuntento na lang na gamitin ang lumang budget.
Sa pagtutok ngayon ng Kongreso sa budget, nagpasya itong dahan-dahanin ang pagpupursige upang amyendahan ang Konstitusyon hanggang sa Enero ng susunod na taon. Sa ngayon, hinihimok natin si Pangulong Duterte na bumuo ng isang may 20-miyembrong komisyon na gaya ng iminungkahi ni Speaker Alvarez upang simulan na ang pag-aaral sa umiiral na Konstitusyon at magpanukala ng mga posibleng pag-amyenda sa mga ito. Binubuo ng mga kinikilalang legal at constitutional authorities, kabilang si dating Chief Justice Renato Puno at iba pang prominenteng dating opisyal ng hudikatura, at mga dean ng mga law school, isusumite ng komisyon ang mga rekomendasyon nito sa official body — Constitutional Assembly man o Constitutional Convention — para suriin nito.
Ang panawagan ni Pangulong Duterte para sa isang federal na uri ng gobyerno upang maging patas ang pagsulong sa bansa ang inaasahang magiging pangunahin sa mga panukalang amyendahan sa batas. Mayroong iba pa, gaya ng apela para luwagan ang mga kasalukuyang limitasyon sa dayuhang pamumuhunan, na inaprubahan ng huling Kamara de Representantes.
Ngunit itinakda na ang lahat sa Enero. Sa ngayon, prioridad ng Kongreso ang pambansang budget. Bilang kauna-unahang pambansang budget ng bagong administrasyon, tutukuyin nito ang malaking bahagi ng direksiyong inaasinta ng gobyerno ng Pilipinas sa susunod na anim na taon. Inaasahan natin ang mas malaking pondo sa agrikultura na matagal nang napabayaan; ang mga programang pang-ekonomiya na lilikha ng maraming trabaho; mas maraming kalsada, tulay, gusaling pampaaralan at iba pang imprastrukturang kinakailangan para mapasigla ang ekonomiya; sapat na kagamitan para sa depensa at seguridad at mga programa na magbubunsod upang hindi na tayo masyadong dumepende sa ating mga kaalyado upang ayudahan tayo sa mga insidenteng nalalagay sa alanganin o may banta sa ating pambansang interes. At kakailanganin din natin ang pondo para sa daan-daang rehabilitation center para sa daan-daang libong lulong sa droga na nagsipaglantad kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
May tamang panahon para sa lahat ng ito. Kumpiyansa tayong ang mga pinuno ng ating bansa, sa suporta na rin ng mamamayan na napatunayan noong halalan, ay makatutupad sa ating mga inaasahan at maghahatid ng bagong panahon ng progreso at pambansang pagmamalaki para sa ating bansa.