MAKALIPAS ang ilang linggong paghihintay, pinangalanan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mayor at vice mayor na tinawag niyang narco-politician; mga opisyal ng pulisya, kongresista at hukom na sangkot umano sa ilegal na droga.

Ang pagbanggit sa mga pangalan ay ginawa ng Pangulo sa isang press conference sa Davao City nang dumalo siya sa lamay ng apat na sundalong napatay ng mga komunistang gerilya sa Campostela Valley. Binigyan sila ng 24 na oras ni Pangulong Duterte na sumuko sa Philippine National Police (PNP). Kasabay ang utos na bawiin ang permit ng kanilang mga baril, inutusan naman na ang mga escort na pulis at militar na bumalik na sa kanilang mother unit at alisin ang gun permit ng mga escort. Ang mga lokal na opisyal naman ay pinagre-report sa Department of Interior and Local Government (DILG). Ang mga militar ay sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kabilang sa mga kilalang mayor na binanggit ni Pangulong Duterte ay ang kasalukuyang alkalde ng Iloilo City na si Mayor Jed Mabilog na malapit na kaalyado ni Sen. Franklin Drilon at si dating Cebu City Mayor Michael Rama. Gayundin si dating Mayor Ryan Dolor, ng Bauan, Batangas na sangkot umano sa pagpatay sa isang dating correspondent ng isang pahayagan sa Southern Luzon. Binaril at napatay ang biktima noong 2015 sa Batangas City. Pinangalanan din ng Pangulo ang iba pang opisyal sa Iloilo na inilarawan niyang “most shabulized” na lugar sa bansa dahil sa talamak na bentahan ng shabu.                                                                                                                        

Ayon pa kay Pangulong Duterte, harapin at patunayan kung pilit silang tumatanggi na sangkot sa droga. Idinagdag pa niya na kapag sila’y nabigong sumurender, sisimulan agad ang pagtugis sa kanila.

Ang pinangalanan naman na mga hukom ay kailangang mag-report agad kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ang mga hukom ay kilala sa pag-dismiss sa mga kasong kriminal na may kaugnayan sa droga na kanilang hinahawakan na may kapalit na bayad.

Bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Duterte, ang mga binanggit na sangkot sa ilegal na droga ay nagtungo sa headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame upang linisin ang kani-kanilang pangalan. Marami sa kanila ang nabigla at natakot. Halos nagkakaisa ang mga lokal na opisyal sa pagtanggi na sila’y sangkot sa illegal drugs. Handa umano silang harapin ang imbestigasyon. Sa 159 na katao na binanggit, umabot lamang sa 59 ang sumuko.

Sinulatan naman ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno si Pangulong Duterte. Sa bahagi ng liham, sinabi ng Chief justice na tanging Korte Suprema lamang ang may karapatan na magsiyasat sa mga hukom na sangkot sa ilegal na droga.

Agad siyang binuweltahan ni Pangulong Duterte at nagkaroon sila ng word war. Maghihintay ang sambayanan sa magiging resulta ng imbestigasyon sa mga narco-politician at mga opisyal ng pulisya.