HINDI climate change ang dapat sisihin sa paglalaho ng wildlife kundi ang pagkagahaman ng tao sa pangangaso at pagpatay sa mga hayop at halaman para kainin o ipagmayabang bilang tropeo, bukod pa sa patuloy na pagpapalawak ng mga taniman at hayupan, ayon sa mga mananaliksik na nananawagan na baguhin ang mga prioridad sa pangangalaga sa kalikasan.
Sa pagsusuri sa halos 9,000 “threatened” o “near-threatened” species, natuklasan ng mga siyentista na sangkatlong bahagi ang labis nang sinamantala para sa komersiyo, libangan o pag-iral.
Halimbawa, ang pangangailangan sa karne at mga bahagi ng katawan ang nagbunsod upang halos maglaho na ang mga Western gorilla at Chinese pangolin, at tuluyang maubos ang mga Sumatran rhinoceros—na matindi ang demand ng China para sa mga pekeng gamot na nagmumula sa sungay nito.
At mahigit sa kalahati ng 8,688 uri ng hayop at halaman na sinuri ang apektado sa pagbabago sa kanilang natural habitat bilang mga industrial farm at plantasyon, karamihan ay ginagamit sa pag-aalaga ng mga hayop o pagtatanim ng mga halamang mapakikinabangan bilang petrolyo o pagkain.
Sa pagkukumpara, 19 na porsiyento lamang ng mga species na ito ang kasalukuyang apektado ng climate change, iniulat ng pag-aaral na inilathala sa journal na Nature.
“Addressing the old foes of overharvesting and agricultural activities are key to turning around the biodiversity extinction crisis,” sabi ng pangunahing awtor ng pag-aaral na si Sean Maxwell, propesor sa University of Queensland sa Australia.
Ang mga bantang ito, sa halip na climate change, “must be at the forefront of the conservation agenda,” saad sa pahayag ni Maxwell.
Samantala, isa namang grupo ng 43 pangunahing eksperto sa wildlife conservation ang nanawagan kamakailan sa sangkatauhan na magtulungan upang isalba ang patuloy na kumakaunting terrestrial megafauna sa mundo, mula sa malalaking pusa hanggang sa mga elepante at naglalakihang gorilla.
“They are vanishing just as science is discovering their essential ecological roles,” sulat ng researchers sa BioSciences. Hanggang hindi nadadagdagan ang pondo para sa pagsasalba sa mga ito, “they may not survive to the 22nd century”, dagdag nila.
Inilabas ang mapaghamong apela sa Nature—na umani ng matitinding reaksiyon—isang buwan bago ang mahalagang pulong ng International Union for Conservation of Nature (IUCN), isang policy-oriented umbrella grouping ng mga gobyerno, industriya at non-governmental organization na naghaharap-harap tuwing tatlo hanggang apat na taon.
Ang IUCN din ang nangangasiwa sa gold-standard na Red List ng endangered species, tumutunton at nagre-record sa kalagayan ng flora at fauna ng mundo. (Agencé France Presse)