Inihain kahapon sa Office of the Ombudsman ang ikatlong batch ng kasong multiple homicide laban kina dating Pangulong Benigno S. Aquino III, dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Alan Purisima, at dating hepe ng PNP-Special Action Force na si Getulio Napeñas kaugnay ng naging papel nila sa pagkakapaslang sa 44 na police commando sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Ang reklamong isinampa sa Ombudsman ay kapareho ng dalawang naunang kaso, maliban sa pangalan ng mga kaanak ng mga operatiba ng SAF na nasawi sa engkuwentro.

Pirmado ito ng mga residente ng Samar na sina Telly Sumbilla, Helen Ramacula, at Lorna Sagonoy.

Sila ang mga ina nina PO3 John Lloyd Sumbilla, PO2 Rodel Ramacula, at PO1 Joseph Sagonoy.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

Sa tulong ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), hiniling ng mga kaanak ng nasawing SAF commando na imbestigahan ng Ombudsman ang criminal liabilities nina Aquino, Purisima at Napeñas kaugnay ng pagkamatay ng mga pulis sa Oplan: Exodus para sa pagdakip kina Zulkifli bin Hir, alyas Marwan; at Basit Usman.

Giit nila, may pananagutan ang dating Pangulo sa trahedya dahil pinayagan nitong pangasiwaan ng suspendidong si Purisima ang operasyon. (Jun Ramirez)