Dapat na maghain ng pormal na reklamo sa Korte Suprema laban sa mga hukom na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa ilegal na droga.
Ito ang hirit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa executive department.
Nakapaloob sa isang-pahinang pahayag ng IBP, na pirmado ng mga miyembro ng Board of Governors nito, na makatutulong ang pormal na reklamo para magampanan ng hudikatura ang tungkulin nito na pagdisiplina sa sarili nitong hanay, ito man ay sa paraang adversarial proceeding o motu propio investigation.
Naniniwala rin ang IBP na mas mapagsisilbihan ang publiko kung magtutulungan ang sangay ng ehekutibo at hudikatura.
Kasabay nito, iginiit din ng IBP na bagamat ang mga hukom at mahistrado ay mga appointee ng pangulo, mananatili naman sa kamay ng Korte Suprema ang tungkulin sa pagdidisiplina sa mga miyembro ng hudikatura. (Beth Camia)