Patay ang dalawang hindi kilalang lalaki na sakay umano ng nakaw na motorsiklo matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Pasay City, nitong Huwebes ng gabi.
Ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang naging sanhi ng agarang pagkamatay ng dalawa na umano’y hired killer o miyembro ng vigilante group.
Sa ulat ni Chief Ins. Rolando Baula, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, dakong 11:30 ng gabi kamakalawa nang iwasan ng mga suspek ang checkpoint sa Don Bosco Village, Barangay 190.
Nataranta umano ang mga ito nang makita ang mga pulis dahilan upang bunutin nito ang kanilang mga baril at pinaputukan ang mga pulis.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik ang mga awtoridad na iligtas ang kanilang mga sarili at tuluyang pinagbabaril ang dalawa.
Narekober sa mga suspek ang isang karatula na may nakasulat na, “TULAK AKO WAG TULARAN” at dalawang .45 caliber pistol. (Bella Gamotea)