ZAMBOANGA CITY – Pinagtibay ng liderato ng Kamara ang isang resolusyon na kumikilala kay Hidilyn Diaz dahil sa kanyang pagkakapanalo ng Rio 2016 Olympic Silver Medal sa women’s 53-kg weightlifting division nitong Agosto 7, 2016 sa Rio De Janeiro, Brazil.

Iprinisinta nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rodolfo Fariñas, kasama sina Zamboanga City 1st District Rep. Celso Lobregat at 2nd District Rep. Manuel Jose Dalipe, ang House Resolution No. 175 at agad na inaprubahan ito sa sesyon nitong Martes.

Nakasaad din sa Resolution No. 175 na gumawa ng kasaysayan si Diaz para sa Pilipinas bilang unang babaeng atletang nag-uwi ng Olympic medal at ang unang Pinoy na nanalo ng Olympic medal sa weightlifting.

Ang 25-anyos na si Diaz, na nagmula sa siyudad na ito, ay ikalima sa anim na anak ng mag-asawang Eduardo Diaz, dating tricycle driver na dumanas ng mild stroke; at Emelita, ng Barangay Mampang.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Binuhat ni Diaz ang kabuuang 200kg sa 53 kg category at nanalo ng silver medal sa Rio 2016 Olympics.

Lumahok din sa Olympic Games noong 2008 at 2012, target ngayon ni Diaz na makasungkit ng Olympic gold sa 2020 Tokyo Olympics.

Taong 1996 pa huling nanalo ng Olympic medal ang Pilipinas, nang makapag-uwi ng silver si Mansueto “Onyok” Velasco sa lightweight boxing competition ng Atlanta Olympics sa Amerika. (Nonoy E. Lacson)