TUWING lumulutang ang mga isyu hinggil sa palakasan o sports, kabi-kabila naman ang paghahain ng panukala na naglalayong lumikha ng Department of Sports (DOS); mga isyu na kinapapalooban ng kabiguan ng ating mga atleta na makasungkit ng mga medalya sa iba’t ibang international sports competition.
Ang ganitong plano ay maituturing na produkto ng padalus-dalos na pag-iisip. Pag-aaksaya lamang ito ng panahon at pagsisikap na nakaatang na sa balikat ng mga sports agency; higit sa lahat, pagsakay lamang ito sa tagumpay ni Hidilyn Diaz na nakapag-uwi ng silver medal mula sa Rio Olympic na ngayon ay ipinagbubunyi ng sambayanang Pilipino.
Sa halip na lumikha ng DOS, makabubuti na pag-ibayuhin na lamang ang pagtutulungan ng umiiral nang mga sports organization sa pangangalaga at pagsasanay ng ating mga manlalaro na isinasabak sa mga paligsahan. Napatunayan na, halimbawa, ang pagiging epektibo ng Philippine Sports Commission (PNC) sa paghahanda ng mga athlete sa iba’t ibang larangan ng palakasan, tulad ng basketball, archery, boxing, swimming at weightlifting na pinagwagian nga ni Diaz.
Nakaagapay din dito ang Philippine Olympic Committee (POC) at iba pang asosasyon na nangangasiwa naman sa iba pang laro na kalahok din sa mga pandaigdigang paligsahan. Kailangan lamang sikapin ng mga ito ang puspusan at matapat na implementasyon ng mga patakaran tungo sa pagtatamo ng mahuhusay na atleta na may malaking pag-asang makasungkit ng mga medalya; tiyak na matutugunan ang pangangailangan ng mga atleta sa lahat ng panahon, hindi lamang sa oras ng kanilang pagsasanay. Hindi dapat panghinayangan ang pangangalaga sa kanila, lalo na ang pag-uukol ng sapat na pondo tulad ng ipinatutupad ng iba’t ibang bansa.
Dapat paigtingin ang tinatawag na grassroots strategy sa pagtuklas ng mga atleta sa mga kanayunan. Minsan nang napatunayan ang pagiging makatuturan ng ganitong sistema na ipinatupad ng programang Gintong Alay noong panahon ni Michael Marcos Keon. Noon, sa aking pagkakatanda, nadiskubre sina Lydia de Vega at Elma Muros na nagtamo ng katakut-takot na medalya para sa ating bansa.
Hindi malayo na sa ganitong estratehiya, madadagdagan ang mga Olympic silver medal na nauna nang naiuwi nina Anthony Villanueva (1964), Onyok Velasco (1996), at Hidilyn Diaz (2016).
At hindi rin malayo na hindi magiging mailap ang pagtatamo natin ng gintong medalya sa hinaharap na olympiada.
(Celo Lagmay)