HONG KONG (PNA/Kyodo) – Kapwa nais ng Pilipinas at China na pormal na pag-usapan ang iringan sa South China Sea, sinabi ni dating pangulo at special envoy Fidel Ramos noong Biyernes, matapos ang mga impormal na pakikipagpulong sa mga opisyal ng China ngayong linggo.

Ayon sa joint press statement na nilagdaan nina Ramos at Fu Ying, China vice foreign minister, nagkasundo ang magkabilang panig na kailangan pang mag-usap upang mapahupa ang tensiyon at tumibay ang tiwala sa isa’t isa, habang tinatanggap ng China ang pagbisita ni Ramos sa Beijing bilang special envoy at ipinaabot ni Ramos ang hangarin ng Pilipinas na magdaos ng mga pormal na pag-uusap sa tamang panahon.

“They reiterated that they were pleased with the discussions and looked forward to the beginning of a process of formal discussions which will be continued in Beijing and Manila and other possible venues,” saad sa pahayag.

Nakipagkita ang Philippine delegation kay Fu at kay Wu Shicun, ang pangulo ng National Institute for South China Sea Studies, na una nang sinabi ni Ramos na nais niyang makapulong, sa Hong Kong noong Miyerkules at Huwebes.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“I hope that there is a phase two coming up,” sabi ni Ramos, 88, sa mga mamamahayag sa Philippine consulate general office. “As to where this will take place, we don’t know yet. We have to go back to Manila to find out what are the latest developments on the official side. There is some current activity ongoing at that level.”

Ilan sa mga tinalakay ng magkabilang panig ang maritime preservation, pag-iwas sa tensiyon, pagsulong sa kooperasyon sa pangingisda at paglaban sa krimen, at mga oportunidad sa turismo, ayon sa pahayag.

Gayunman, sinabi ni Ramos na hindi direktang pinag-usapan ang hatol ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong Hulyo 12 na walang legal na batayan ang pang-aangkin ng China sa halos buong South China Sea at nilabag din ang sovereign rights ng Pilipinas sa exclusive economic zone.

Ibinasura ng China ang nasabing desisyon hatol at nag-demand na huwag itong gawing precondition ng Pilipinas para sa bilateral talks.

“There was no mention of the ruling, but that is, I suppose, something for the future,” sabi ni Ramos.