BINALAAN ni Pangulong Digong si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na huwag itong gumawa ng constitutional crisis.

“Baka ako magdeklara ng martial law,” wika niya. Bukambibig lang daw niya ito ayon kina Senate President Pimentel, Sen. Cayetano, at Recto. Sabi pa nga ni Recto ay masanay na tayo sa istilong ito ng Pangulo. Pero, si Sen. De Lima ay nagbabala sa mamamayan na maging alerto. Paanong naging bukambibig aniya ito, eh, lahat ng sinasabi niya at ginagawa ay patungo rito.

Nang ideklara ni Pangulong Marcos ang martial law, ang itinuro sa taumbayan na kaaway nila ay mga komunista.

Ibinintang sa komunista ang pagpapasabog sa meeting de avance ng Partido Liberal sa Plaza Miranda na ikinasawi at ikinasugat ng marami. Ilang araw lang ang nakaraan, sinuspinde na niya ang writ of habeas corpus at dinakip ang mga lider-estudyante, manggagawa at propesor ng Philippine College of Commerce na ngayon ay PUP na. Sunud-sunod na pagsabog ang naganap sa mga mataong lugar. Inambush daw si National Defense Secretary at naging Senador Enrile ng mga komunista. Pagkadeklara ng martial law, isa-isa na kaming dinakip. Ang kaso namin ay subversion. Ikinandado ni Marcos ang Kongreso. “Talagang idideklara ni Marcos ang martial law,” paulit-ulit na babala ni Sen. Diokno, pero walang naniwala tulad nina Pimental, Cayetano, at Recto na nakikinabang kay Pangulong Digong.

Ang sinasakyan naman ni Pangulong Digong ay ang kanyang popularidad at takot ng taumbayan sa kriminalidad at ilegal na droga. Araw-araw ay may pinapatay sa ngalan ng pagsugpo nito. Wala nang iginagalang ang mga pulis dahil nga inaako ng Pangulo ang responsibilidad sa mga ito. Tinatrato na lang ang mga ito ng mamamayan na pangkaraniwang pangyayari.

Parang ipinauubaya na lang nila ang lahat pati ang kanilang buhay sa Pangulo. Kaya, laging sinasabi ng Pangulo na magtiwala sa kanya, alam niya ang kanyang ginagawa. Hindi makapangloloko aniya ang mga mambabatas sa pagbago nila ng Saligang Batas dahil babantayan niya sila. “Baka ipasara ko ang Kongreso,” banta pa ng Pangulo. Iniikot na niya ang mga kampo ng sundalo at, tulad ng mga pulis, ay pinangangakuan niya ng mataas na sahod at iba pang benepisyo ang mga ito. Pikon siya kapag siya ay kinokontra. Walang siyang paggalang sa due process at Rule of Law dahil sagabal lang daw ito sa paglapat ng lunas sa napakalaking problema ng bansa. Kuntento ang mamamayan dahil mga dukha ang pinapatay.

Paano kung hindi pa malunasan ang kagutuman at ang pinakakain pa sa mamamayan ay bala, sa palagay kaya ninyo bukambibig pa rin ng Pangulo ang martial law kung maging magulo na sila? (Ric Valmonte)