AIZA AT LIZA copy

MATAPOS tumanggi sa mga posisyon na naunang inialok sa kanya ng Duterte administration, tinanggap na ni Aiza Seguerra ang pagiging chairperson at CEO ng National Youth Commission (NYC).

Inihayag ni NYC Assistant Secretary Earl Saavedra ang appointment ng Presidente kay Aiza bilang undersecretary at pinuno ng commission sa pagdiriwang ng International Youth Day kahapon.

“I take the opportunity to formally announce to everyone, with great honor, the appointment of the new chairperson of NYC, Cariza Yamson Seguerra, the newest member of the NYC family,” ani Asec. Saavedra.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nakatakdang manumpa ang dating child actress, na sikat nang mang-aawit ngayon, sa Martes kay Pres. Rodrigo Duterte para sa posisyon na binakante ng dating NYC chairman na si Gio Tiongson.

Sa pahayag ng Malacañang kahapon, nakasaad na tatlong taon ang magiging termino ni Aiza sa NYC.

Kahapon din inilabas ang designation sa asawa ni Aiza na si Mary Liza Diño bilang chairperson naman ng Film Development Council of the Philippines.

Sina Aiza at Liza ay aktibong nangampanya para kay Pangulong Duterte nitong nakaraang eleksiyon.

Hindi na raw nakatanggi si Aiza sa inialok na posisyon at pormal na siyang itatalaga sa isang convention para sa darating na election ng Sangguniang Kabataan sa October 31, 2016.

May mga kumukuwestiyon naman sa edad ni Aiza pero ipinaliwanag ng NYC na pasok siya sa age requirement para sa nabanggit na posisyon dahil 32 years old lang si Aiza samantalang not more than 35 years old umano ang dapat na humawak sa naturang posisyon.

Sa mga lumabas na balita kamakailan, unang inialok kay Aiza ni Pangulong Duterte ang pagiging commissioner ng National Commission for Culture and the Arts pero tinanggihan niya ito.

Marami ang nagsasabi sa mga taga-showbiz na mas nababagay si Aiza sa pagiging National Youth Commission chairman, kung saan nag-umpisa ang political career nina Sen. Bam Aquino at Sen. Joel Villanueva. Dati ring commissioner-at-large ng NYC si Dingdong Dantes na nagbitiw sa puwesto bago nag-eleksyion para ikampanya si Vice President Leni Robredo. (JIMI ESCALA)