Alisin ang toll fee kapag holiday o pista-opisyal, gaya ng Pasko at Bagong Taon. Ito ang panukalang ipinupursige ni Parañaque City Rep Eric Olivarez na maipasa sa Kongreso.
Sa ilalim ng HB 1169 o “Toll Free Holiday Act of 2016,” walang babayarang toll fee sa lahat ng expressway sa bansa simula 10:00 ng gabi ng Disyembre 24 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 25, at mula 10:00 ng gabi ng Disyembre 31 hanggang 6:00 ng umaga ng Enero 1.
Inihalimbawa ni Olivares ang tradisyon ng Skyway System, South Luzon Expressway at Star Tollway na hindi naniningil ng toll fee sa Pasko at Bagong Taon bilang pasasalamat sa mga motorista at bahagi ng kanilang Corporate Social Responsibility. Diin niya, dapat itong sundan ng iba pang malalaking expressway sa Luzon. Bilang kapalit, bibigyan ng tax deduction ang tollway operators. (Bert de Guzman)