Walang magaganap na pagtaas ng sahod ng mga pulis at militar taliwas sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senator Antonio Trillanes 1V, mismong si Budget Secretary Benjamin Diokno ang nagsabing walang sapat na pondong pagkukunan para madoble ang sweldo ng mga pulis at militar ngayong buwan. Aniya, sa ngayon ay halagang 20 kilong bigas lang ang pwedeng maibigay sa bawat buwan.
Dahil dito, sinabi ng Senador na dapat ipaalam ito sa Pangulo. “Ayaw nating masira ‘yung credibility niya, na he’s just a big talker. Kapag sinabing ‘August meron na kayo, incremental increase,’ palakpakan ‘yung mga sundalo e,“ ani Trillanes.
Sa Malacañang, inihayag namang hindi tatanggap ng special incentives ang mga opisyal ng pamahalaan na nadawit ang pangalan sa ilegal na droga.
“First and foremost, I doubt if there will be incentives given for doing what was their job anyway or for not doing what they ought not to be doing,” ani Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Magugunita na matapos ihayag ang pangalan ng mga isinasangkot sa droga, maglalabas din umano ng listahan ang Palasyo ng mga pangalan ng local executives na malinis at tapat sa serbisyo. (Leonel Abasola at Genalyn Kabiling)