Nagtala ng impresibong panalo ang University of the Philippines, Centro Escolar University-A at Manila Patriotic School kamakailan sa 14th Fr. Martin Division 2 Cup basketball tournament sa Arellano University gym sa Legarda, Manila.

Nanguna si Pio Longa, kandidato para makasama sa Team A ng UP Maroons, sa naiskor na 12 puntos para sandigan ang 61-51 panalo kontra CEU-B Scorpions.

Nakabawi naman ang CEU-A Scorpions nang pulbusin ang Colegio San Agustin-Binan, 107-44, para sa ikalawang sunod na panalo sa Group B.

Nakopo naman ng MPS ang ikatlong sunod na panalo sa juniors Group B division nang pabagsakin ang Far Eastern University, 70-52.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nakabangon ang Maroons mula sa walong puntos na paghahabol sa halftime, para maagaw ang bentahe laban sa Scorpions, 51-44.

Sa iba pang laro, nagwagi ang San Beda Red Lions sa FEU, 63-60, para sa unang panalo sa Group B ng senior division.

Nangibabaw ang Arellano University Chiefs, sa pangunguna ni Ivan Pineda na may 13 puntos, kontra SMC-Laguna, 93-45.

Ayon kay Tournament commissioner Robert de la Rosa, ang mangungunang apat na koponan sa bawat grupo ay makakausad sa quarterfinals ng torneo na itinataguyod din ng Vinas Optical.

Sa junior side, namayani ang Makati Gospel College kontra CSA-Binan, 68-56, habang ginapi ng Colegio San Benildo ang St. Michael College-Laguna, 74-47.