Muling binuksan ng Manila City Government ang Claro M. Recto Avenue sa Divisoria sa mga trak ng gulay matapos itong isara dahil sa matinding trapik at pagkalat ng basura sa lugar.

Ikinatuwa ni Benguet Governor Cresencio Pacalso na pinagbigyan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kanyang kahilingan na muling payagan sa Divisoria mga trak ng gulay mula sa kanyang probinsya.

Bilang kapalit, hiniling ni Estrada kay Pacalso na kung maaari ay babaan ang presyo ng mga gulay para sa kapakinabangan ng mga Manilenyo at mamimili sa Divisoria.

Tiniyak ng gobernador na mananatiling mababa ang presyo ng mga gulay mula sa kanilang lugar at susunod ang vegetable haulers sa patakaran at hindi mag-iiwan ng basura sa kalye.

Tsika at Intriga

'Mga waste dapat pina-flush sa CR!' Toni Gonzaga, unbothered sa 'power couple' blind item

Nangako naman si Estrada na bubuwagin niya ang sindikato ng kotong, na nagpapahirap sa mga tindero at dealer ng gulay, at ginagamit pa ang kanyang pangalan para makapangotong.

Maaari na ngayong magbagsak ang vegetable dealers ng kanilang mga produkto sa Dagupan Street at Abad Santos Avenue.

Pinaalalahanan din ang mga trak ng gulay na manatili sa lane na inilaan para sa kanila upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko. (Mary Ann Santiago)