Isa na namang pulis, na naka-absent without leave (AWOL) na sangkot umano sa nakawan at ilegal na droga, ang napatay nang manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), iniulat kahapon.
Sa ulat ni QCPD Director Police Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang suspek na si PO1 Levy De Vera, ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at residente ng Barangay Pasong Tamo, Tandang Sora, Quezon City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 9:30 ng gabi kamakalawa nangyari ang pamamaril nang magtungo umano ang mga pulis sa bahay ni De Vera upang ihain ang warrant of arrest laban sa kanya.
Nang kumatok umano ang mga pulis sa bahay ni De Vera, sa halip na sumuko ay binunot umano nito ang kanyang baril ngunit naunahan siya ng mga operatiba at agad pinaputukan.
Nasamsam mula kay De Vera ang .45 kalibre ng baril at ilang sachet ng shabu. (Jun Fabon)