TATANGGAP si Rihanna ng lifetime achievement award mula sa MTV sa Video Music Awards (VMA) show sa Agosto 28, ayon sa MTV noong Huwebes.
Mapapahanay siya sa mga nauna nang ginawaran ng nasabing award na sina Kanye, Madonna, at Beyonce.
Ang Michael Jackson Video Vanguard award ang pinakamataas na parangal sa video music industry, at sumasalamin ito sa nagawang impluwensiya ng artista hindi lang sa larangan ng musika kundi sa pop culture, fashion, pelikula, at philanthrophy.
Nanalo ng dalawang beses si Rihanna, 28, sa pinag-aagawang video of the year sa MTV at eight-time Grammy winner na may 61 million na naibentang album.
Tinutulungan din ng Umbrella singer ang Clara Lionel Foundation na nakatuon sa pagsasaayos ng serbisyong pangkalusugan at pangkultura sa kanyang tahanan sa Barbados at sa iba pang mga lugar.
Magtatanghal si Rihanna sa seremonya sa New York, at nominado rin siya sa apat na VMA para sa kanyang awiting Work kasama ang Canadian rapper na si Drake, at sa kanyang collaboration kay Calvin Harris sa This is What You Came For.
Ang rapper na si West ang nanalo ng Vanguard award noong 2015 at ang iba pang mga nauna nang nagwagi nito ay sina Michael Jackson, Britney Spears, at Justin Timberlake. (Reuters)