Maayos na nakapagpaliwanag ang Charge d’Affaires ng Pilipinas sa Washington DC, nang ipatawag ito at tanungin hinggil sa ‘bakla’ comment ni Pangulong Rodrigo Duterte kay US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg.
“The explanations have been properly made,” ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella sa isang press briefing.
Sinabi ni Abella na ang nasabing komento ay hindi para sa publiko. “It was addressed to a certain audience and the comments were confined to a certain audience,” dagdag pa nito.
Samantala hindi naman sinagot ni Abella ang tanong ng media, kung nag-sorry sa US State Department ang kinatawan ng Pilipinas. Sa halip, sinabi nitong “the Charge d’Affaires went and made representation for the President and explained the situation.”
Kamakalawa, sinabi ng Pangulo na matatag pa rin ang relasyon ng dalawang bansa, sa kabila ng kontrobersiyang nilikha ng kanyang komento kay Goldberg. “They were true anyway,” ayon pa sa Pangulo nang bisitahin nito ang military camp sa Zamboanga del Sur. (Genalyn Kabiling)