BAGUIO CITY - Naglaan ng P100,000 pabuya ang pamahalaang lungsod, sa tulong ng Guardians Reform Advocacy for Cooperation and Economic Prosperity, Inc. (GRACE-Guardian), para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga humoldap at pumatay sa isang may-ari ng money changer noong Hunyo 15, sa siyudad na ito.

Nabatid kay Supt. Jerry Fernandez, hepe ng investigation division ng Baguio City Police Office, na hawak na nila ang CCTV footage ng dalawang suspek, pero kailangan nila ang tulong ng publiko para matukoy ang mga pangalan ng mga suspek.

Matatandaang dakong 5:40 ng hapon noong Hunyo 15 at naglalakad pauwi si Larry Oliva Haya, Sr., 65, sa Purok 5, Bakakeng Norte, nang harangin siya ng dalawang lalaki at sapilitang kinuha ang kanyang sling bag—na naglalaman ng P2.9 milyon ng iba’t ibang currency—bago siya pinagbabaril.

Binaril din sa beywang ang kapatid ni Haya na si Randolf, 67, na sasaklolo sana sa kanya. (Rizaldy Comanda)

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar