Sa pagnanais na makalusot sa medical check-up, tuluyang nagwakas ang buhay ng isang barangay chairman matapos umanong makipag-agawan ng baril sa mga pulis sa loob mismo ng police mobile car na nakatakdang maghatid sa kanya sa isang pagamutan sa Pasay City noong Miyerkules ng hapon.
Kilala umanong tulak ng ilegal na droga ang napatay na si Edwin Ganan, alyas “Toto Manok”, 44, ng No. 169 Propetarious St., Barangay 29, Zone 5 ng nasabing lungsod, na nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson, dakong 5:15 ng hapon kamakalawa nangyari ang pamamaril matapos umanong magmatigas ni Ganan na bumaba mula sa sasakyan hanggang sa inagaw na nito ang baril ni PO2 Clarence Maynes.
Una rito, napag-alaman na noong Martes, Agosto 9, dakong 9:00 ng umaga, ay personal na nagtungo si Ganan sa tanggapan ni Pasay Police chief Sr. Supt. Nolasco Bathan para sumurender sa mga awtoridad.
Dakong 4:00 ng hapon noong araw ding iyon, bumalik umano sa himpilan ng pulisya si Ganan upang isuko ang dalawang sachet ng shabu na binili umano niya sa isang Victor Del Mundo na agad namang inimbitahang magtungo sa barangay hall.
Mariing itinanggi ni Del Mundo ang akusasyon laban sa kanya at iginiit na si Ganan ang pinagmumulan ng droga sa kanilang barangay.
Sa tulong ni Del Mundo, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba laban kay Ganan na naging sanhi ng pagkakaaresto nito.