KUNG kailan naman bumubuti na ang sitwasyon ng trapiko sa isang bahagi ng Metro Manila, magbubuhul-buhol naman sa iba pang bahagi ng Kamaynilaan. May pagkakataon pa nga na dahil sa matinding baha sa paligid ng Manila City Hall ay umabot hanggang sa España Boulevard sa Sampaloc ang napakatinding trapiko. Inakalang naresolba na ito ng mga pagkukumpuni sa mga kanal at iba pang daluyan. Nitong Lunes, muling nagkabuhul-buhol ang trapiko sa paligid ng Quiapo at mga kalapit na lugar. Sa eksenang ito, sinisi naman ng mga motorista ang pagkukumpuni sa tulay sa Quiapo, dahil inaaspalto ang isang lane sa lugar.
Nagkaroon din ng clearing operations sa Raon Street sa Quiapo nitong Lunes. Mahigit 400 sasakyan ang inalis, gayundin ang mga istrukturang puwesto at kariton ng mga manininda na naghambalang sa kalsada. Una nang nilinis ng pamahalaang lungsod sa mga vendor at iba pang istorbo ang Blumentritt at Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Divisoria sa Tondo, at Juan Luna at Sta. Elena sa Binondo. Nagkasa na rin ng sariling clearing operations ang Metropolitan Manila Development Authority. Sinabi ng ahensiya na mayroong mga lugar na mismong mga opisyal ng barangay ang nagtatangkang pigilan sila sa paghatak sa mga sasakyang ilegal na nakaparada.
Nakikita natin ngayon ang mga pagsisikap ng mga lokal na opisyal na gawing maaliwalas ang mga kalsada sa kani-kanilang lugar. Hindi pa natin nakikita ang pangkalahatang traffic plan ng Department of Transportation. Maaaring magtagal pa ito, dahil kakailanganin pa ng special powers na hinihiling ng gobyerno mula sa Kongreso kaugnay ng mga right of way, mga prangkisa, at mga permit mula sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Ngayon, nakatuon ang atensiyon ng gobyerno sa problema sa droga, at ilang alkalde, kongresista, hukom at pulis ang pinangalanan ni Pangulong Duterte bilang mga protektor umano ng mga sindikato ng droga. Matatandaang ito ang naging sentro ng pangangampanya ni Pangulong Duterte na nangakong tutuldukan ang operasyon ng ilegal na droga sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Sa mga nangyayari sa kasalukuyan, posibleng maisakatuparan niya ang sarili niyang palugit.
Subalit hindi natin nakakalimutan ang iba pang mga problema na ipinangako niyang tutugunan, marahil hindi kasing agaran ng sa usapin sa droga, ngunit kasing halaga para sa buhay ng maraming Pilipino, gaya ng pangangailangan sa seguridad sa pagkain, mas maraming trabaho, mas maraming pabahay at silid-aralan, at pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa Mindanao.
Napakaraming suliranin ang kinakailangang tugunan ngunit umaasa tayong tututukan din ang problema ng bansa sa transportasyon at trapiko, dahil sa napakalaking epekto nito sa ekonomiya at mga negosyo, at dahil sa libu-libong suliranin na idinudulot nito sa mga karaniwang tao na nais lamang makarating sa oras sa trabaho, hindi magawang mabigyan ng karagdagang panahon ang kani-kanilang pamilya.
Sinimulan na ng Senado ang pagdinig nito sa panukalang emergency powers para kay Pangulong Duterte. Posibleng igawad ng Kongreso ang kinakailangang kapangyarihang ito, at kasunod nito ay idedetalye ng administrasyon ang pangkalahatang plano sa transportasyon at trapiko at sisimulan nang ipatupad ang mga ito. Sana lang ay maipatupad ito kaagad.