GAGANAP sina Meg Imperial at Valerie Concepcion bilang magkaibigang gipit sa buhay at gagamiting puhunan ang kanilang katawan sa Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado (Agosto 13).
Lumaki si Julia (Meg) na salat sa pag-aaruga ng kanyang mga magulang. Sa kagustuhang makuha ang pagmamahal ng ina, sumali siya sa mga pageant at mga bikini open. Sa kawalan ng paggabay, pumayag si Julia na sumali sa isang cultural group sa Zamboanga nang alukin ng kanilang kaptibahay. Lingid sa kaalaman ni Julia, lolokohin lang siya nito at mapipilitan siyang magtrabaho bilang sex worker.
Pagkalipas ng ilang buwan ay makikilala niya si Denise (Valerie Concepcion) na dancer naman sa isang man-hater club.
Mabilis na magkakasundo ang dalawa at mapapatunayan ang kanilang pagkakaibigan nang mabuntis si Denise at si Julia ang naging tagapang-alaga nito.
Pagkaraan ng isang taon, makakahanap ng oportunidad si Julia sa isang high-end na club sa Cebu, at aanyayahan niya si Denise at ang iba pa nilang kakilala na sumasama at tanggapin ang mas mataas na bayad na trabaho roon.
Ipagpatuloy kaya ng magkaibigan ang piniling trabaho sa Cebu? May pag-asa pa ba kaya silang makalabas sa sex industry?
Makakasama nina Meg at Valerie sa upcoming episode ng MMK sina Debbie Garcia, Jai Ho, at Kaiser Boado, mula sa panulat nina Mary Rose Colindres at Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Garry Fernando.