Pinagbigyan ng Sandiganbayan ang hirit ni dating Makati City mayor Jejomar “Junjun’ Binay na makabiyahe sa United States upang maipatingin sa espesyalista ang anak na may sakit.
Nagpasya ang 3rd Division ng anti-graft court na maaaring umalis ng bansa si Binay sa Agosto 15 at dapat itong magbalik sa Agosto 24.
Nitong nakalipas na linggo, naghain ng mosyon si Binay na humihiling sa korte na payagan siyang madala ang 6-anyos na anak na babae sa California sa Agosto 14 hanggang 26 para ipasuri ang “very uncommon disease” nito.
Inatasan ng korte si Binay na maglagak ng P608,000 travel bond upang magarantiya ang katapatan nito sa pagsunod sa mga kondisyong ibinigay ng anti-graft court.
Nahaharap si Binay sa kasong graft, malversation at falsification of public documents sa diumano’y overpriced na pagpapatayo ng Makati City Hall Building II. (Rommel P. Tabbad)