DIREK JOYCE copy copy

WALA si Sam Milby sa grand presscon ng Camp Sawi dahil may taping daw ng Doble Kara, sabi ni Bb. Joyce Bernal na creative director ng pelikulang idinirek ng protégé niyang si Irene Villamor.

“Si Sam po ang camp master ng Camp Sawi,” kuwento ni Direk Joyce, “siya po ang nagma-make sure na alam niya ang history ng mga girls kung bakit sila napunta sa Camp Sawi. Nandoon po siya sa mga oras na kailangan ng kausap, kapag magpapakamatay na, kapag nagmo-moment ka, nagwawala, kapag naglalasing dumarating po agad siya.

“Si Sam po ang nagpa-facilitate ng camp at ang number one rule sa camp is not to fall in love kaya lang po, ‘yung camp master ay may abs at saka guwapo. ‘Yun po ang ultimate test para sa mga girls na sawi.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Dalawa lang silang lalaki sa camp, the other one is Jerald Napoles na may abs din kaya walang choice kundi kay Sam Milby mapo-fall ang girls.”

Ang girls sa Camp Sawi ay sina Andi Eigenmann, Bela Padilla, Yassi Pressman, Kim Molina at Arci Muñoz.

At ang mga lalaking naging dahilan ng kasawian ng girls na may cameo role ay sina Dennis Trillo, Rico Blanco, Alex Medina, Bret Jackson at Tonton Gutierrez.

Samantala, napangiti si Direk Joyce nang tanungin kung ano ang pakiramdam na accomplished at sikat na filmmakers na rin ang mga protégé niya tulad ni Antoinette Jadaone (na nakailang box-office hits na at mas lalong hinangaan sa kilig-seryeng On The Wings of Love nina James Reid at Nadine Lustre, kasalukuyang sinu-shoot ang Till I Met You na ikalawang serye ng JaDine) at sumusunod na rin sa yapak nito si Direk Irene.

“Actually, hindi ko po alam pero siguro more than the movies that I made siguro, pero ‘yung nakapagbigay ka ng another director na nakaya kong ibigay kung ano ‘yung vision nila for a movie, sobrang sarap, sobrang ibang klase, parang may Liam po ulit ako. Liam is my daughter.

“Si Tonet po at saka si Irene, they’re with me sa Marimar (remake na pinagbidahan ni Marian Rivera) days pa lang.

They do the dialogues, they do scripting, they did everything po. Kung baga inalipin ko po sila dahil alam kong magiging direktor sila.

“So ngayon pareho na po silang wala sa akin, I’m training two another students to be like them, pero ngayon I’m working with two directors kasi parang ‘yun po ‘yung ‘sini-share ko sa kanila.

“Indie directors po sila, pero ang ‘sini-share ko sa kanila is ‘yung pagiging mainstream ko, so nagmi-meet po kami kaya nagkakaroon po kami ng ‘maindie’ na pelikula. Proud po ako sa kanila.”

Hindi nangangahulugan na porke creative manager/director na si Direk Joyce ay hindi na siya magdidirek ng pelikula.

“Ay, magdidirek pa rin po because I have friends like Aga Muhlach, Robin Padilla, Juday (Judy Ann Santos) and Piolo (Pascual), so siguro mga friends ko doon po ako magdidirek, pero ibibigay ko na po lahat sa mga katulad nila (protégé),” paliwanag ni Direk Joyce.

Tinanong naman si Direk Irene kung anong klaseng mentor si Bb. Joyce Bernal.

“Baka umiyak po ako,” sagot ni Direk Irene. “Ano po, kasi ‘yung chance na ibinigay niya sa akin na eversince college, mentor ko na siya, so ‘yung working with her was hindi lang po sa trabaho, pati sa personal. So marami po, everyday parang challenge siya. Saka gusto ko po maganda para sa kanya, parang I have to reach her standard.”

“Si Irene po, pareho kong film student sa UP,” reaksiyon ni Bb. Joyce sa sinabi ni Direk Irene, “so pareho po kami ng org ‘tapos nag-apprentice po siya sa Kailangan Ko’y Ikaw (2000), so neneng-nene po talaga sila ni Tonet. 

“Si Tonet din po nag-apprentice po sa akin sa Don’t Give Up On Us (2006), so mga fans po sila, pakalat-kalat, mga ganu’n. Mga hindi binabayaran, so now they deserved to have a film, na gawin nila ‘yung gusto nilang pelikula.”

Samantala, tungkol sa sinulat namin kamakailan na indie (sex awakening movie) na gustong gawin ni Joyce, may nakausap na raw siyang producer kaya naghahanap ulit siya ng writer-director na puwede niyang i-train para sa concept ng pelikula niya.

“Ganu’n ang gusto ko ngayon, magti-train ako ng baguhan,” kaswal na sabi niya sa amin nang masolo namin siya pagkatapos ng presscon ng Camp Sawi.

Nakakatuwa si Direk Joyce, kahit creative director/manager na siya ay nananatilipa ring nakatuntong ang mga paa sa lupa. Simula nu’ng makilala namin siya noong 1998 sa unang pelikula niyang I’m Sorry My Love (pinagbidahan nina Judy Ann Santos at Onemig Bondoc), wala kaming nakita ni katiting na pagbabago sa pakikisama niya.

Grabe, Bossing DMB, 18 years na pala kaming magkakilala at magkaibigan ni Bb. Joyce at wala talagang pagbabago sa kanya pati sa pananamit, rock and roll pa rin, kaya nga pati lovelife niya ay alam namin, ha-ha-ha. (REGGEE BONOAN)