WELLINGTON, New Zealand – Naipapasa ng mga nagsilang sa pamamagitan ng caesarean section ang stress sa kanilang sanggol sa pamamagitan ng hormones sa kanilang gatas.
Ito ang natuklasan ng isang bagong pag-aaral sa New Zealand.
Sinuri ng mga researcher sa Liggins Institute ng University of Auckland ang sample ng breast milk ng 650 ina noong ang kanilang mga sanggol ay tatlo hanggang apat na buwan pa lamang.
Natukoy sa findings na ang antas ng stress hormone na cortisol ay mas mataas sa gatas ng mga ina na nagsilang sa caesarean section (c-section) o ang walang katuwang sa pag-aalaga sa sanggol.
Isa ring pangunahing regulator ng stress response ng katawan, ang cortisol ay mahalaga sa pag-impluwensiya sa mood at paglaki, saad sa pahayag ng researcher na si Shikha Pundir.
Dahil sa cortisol, nagagamit ang enerhiya sa paggawa ng fat, hindi ng muscle, kaya mas mahalaga ito sa mga unang bahagi ng development ng sanggol.
Bagamat kinakailangan ang partikular na dami ng stress hormones para sa malusog na development ng sanggol, tinukoy sa mga ebidensiya mula sa mga pag-aaral sa hayop na ang mataas na cortisol sa gatas ay nakaaapekto sa temper ng sanggol.
Batay sa pag-aaral sa mga daga, ang stress habang nagbubuntis ay nakatutulong para maging malakas ang sanggol, ngunit sa pag-aaral sa mga unggoy, natukoy na ang mataas na cortisol ay nagiging sanhi upang maging mas iritable at nerbiyoso ang mga sanggol na unggoy, na ang kaparehong epekto ay naobserbahan din sa pag-aaral naman sa mga tao.
“These findings reinforce that there are real emotional and biological challenges that face mothers who have undergone a c-section delivery or who don’t necessarily have the full support to cope fully with a new baby,” ani Pundir.
Bagamat walang dudang pinakamainam ang gatas ng ina para tiyaking magiging malusog ang isang sanggol, mahalaga ring ikonsidera ang pangmatagalang epekto na maidudulot ng stress na naisalin ng ina sa kanyang anak sa pamamagitan ng kanyang gatas, ayon sa mga researcher.
Kasabay nito, mahalaga rin na may katuwang ang isang ina — normal man o caesarean ang panganganak — sa pag-aaruga sa kanyang sanggol, partikular sa mga unang buwan matapos niyang magsilang. (PNA/Xinhua)