Inihayag kahapon ng Philippine Atmopsheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng pumasok sa bansa ng ika-5 na bagyo ng taon sa susunod na linggo.
Ayon sa PAGASA, kapag hindi magbabago ang galaw nito ay manggagaling ang bagyo sa silangang bahagi ng bansa.
Idinagdag pa ng PAGASA na posibleng maapektuhan ng sama ng panahon ang Southern Luzon kung saan makararanas ng higit sa normal na antas ng ulan ang Mindoro, Cavite, Quezon, Batangas, Marinduque, Romblon at Albay.
Kapag tuluyan nang pumasok sa Pilipinas, tatawagin itong bagyong “Enteng.”
Kaugnay nito, mino-monitor pa rin ng ahensya ang isang low pressure area (LPA) sa Hilagang Luzon na magpapaigting sa habagat.
Ang naturang LPA ay huling namataan sa layong 590 kilometro hilagang silangan ng Batanes.
Lalakas ito kapag nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR).
Magdudulot din ito ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Pilipinas, kabilang na ang Luzon at Visayas.
(Rommel Tabbad)