Naungusan ni Woman International Master Janelle Mae Frayna ang nakatapat na si American Woman International Master Ashritha Eswaran sa Round 3 ng Ruy Lupez encounter para makisalo sa liderato sa World Junior Chess Championships nitong Huwebes sa Bhubaneswar, India.

Nakatipon si Frayna ng kabuuang tatlong puntos sa loob ng tatlong round. Tinalo nito sa first round si WFM Daria- Ioana Visanescu ng Romania sa 40 moves ng French defense Tarrasch variation at sa second round gamit ang white pieces ay binigo si WCM Saina Salonika ng India sa 28 moves ng King's Indian Romanian variation.

Sasagupain ni Frayna, hangad ang kanyang ikatlo at huling Woman Grandmaster norm para tanghaling pinakaunang Philippine Woman Grandmaster, ang co-leader na si Woman International Master Alina Bivol ng Russia sa Round 4.

Ang kababayan nito na si 2016 Philippine junior champion Woman FIDE Master Shanai Mae Mendoza, gamit ang itim na piyesa, ay nagawang makaiskor kontra kay Astrid Barbier ng Belgium sa 40 moves Ruy Lopez.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nakipagtabla naman si International Master Paulo Bersamina kontra Parham Maghsoodloo ng Iran sa kanilang Modern-Two Knights , habang tinalo ni 2016 Philippine Junior Champion Paul Robert Evangelista si FIDE Master Calin Gheorghiu ng Romania para kapwa magtala ng dalawang puntos at manatili sa kontensiyon para sa titulo.

Ang magwawagi sa bawat kategorya ay bibigyan ng titulo bilang Grandmaster (GM) at Woman Grandmaster (WGM) habang awtomatiko na magkukuwalipika sa gaganaping World Cup. Angie Oredo