SAN PEDRO, Laguna – Napatay ang umano’y supplier ng droga sa mga celebrity at isa pang hindi nakilala matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang raid sa San Pedro, Laguna, kahapon ng umaga.

Napatay sa engkuwentro si Alvin Comerciante, alyas Vergel, at isa pang kasamahan nitong hindi pa nakikilala, sa raid na ikinasa ng Anti-Illegal Drugs Group at Laguna Police Provincial Office.

Batay sa report, naghain ang awtoridad ng search warrant na inisyu ni Judge Agripino Morga, ng Regional Trial Court, Branch 32 sa San Pablo City laban kay Comerciante sa bahay nito sa Adelina Subdivision sa Barangay San Vicente, pero nanlaban umano ang mga suspek na nauwi sa engkuwentro.

Binanggit naman sa media reports na inihayag ng pulisya na bukod sa mga celebrity ay nagsu-supply din umano ng droga si Comerciante sa ilang diplomat.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ginagamit din umanong hit man si Comerciante ng mga drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City at sa iba pang penal colony, ayon pa sa media reports.

Sinabi ng pulisya na nakaaresto pa sila ng tatlong lalaki at isang babae, ang kinakasama ni Comerciante na si Cristine Padilla, umano’y kaanak ni Robin Padilla, na itinangging sangkot siya sa ilegal na gawain ng kinakasama.

Nakumpiska umano mula sa suspek ang dalawang baril habang inaalam pa kung sinu-sinong personalidad ang umano’y sinusuplayan ni Comerciante.

‘DRUG TRADER’ SA ABUYOG NAPATAY

Kasabay nito, sinalakay din ng pulisya kahapon ng umaga ang Abuyog Penal Colony sa Leyte at napatay ang isa sa mga bilanggo roon na umano’y isa sa mga pangunahing nagsu-supply ng droga sa Eastern Visayas.

Sinabi ni Chief Supt. Roel Obusan, director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na binaril at napatay si Edgard Allan Alvarez matapos siyang maghagis ng granada at nagtangkang makipagbarilan sa raiding team.

“The grenade was lobbed during the implementation of the search warrant inside the penal colony. Fortunately, the grenade did not go off,” ani Obusan.

Sinabi ni Obusan na agad na nasawi si Alvarez sa operasyon, dakong 4:30 ng umaga kahapon. Nasamsam sa suspek ang isang .45 caliber pistol at isang malaking pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, bukod pa sa 15 maliliit na sachet ng hinihinalang shabu.

Si Alvarez ay hinatulan sa kidnapping-for-ransom with murder noong 2007, at dinala sa Abuyog Penal Colony noong 2009.

Matatandaang binanggit ng sumukong si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa ang Abuyog Penal Colony bilang isa sa mga regular na pinagkukuhanan ng droga ng anak niyang si Kerwin, na isinu-supply naman sa Eastern Visayas.

Bagamat nagpadala na ng surrender feelers sa Philippine National Police, hanggang ngayon ay hindi pa rin sumusuko si Kerwin sa awtoridad. (LYKA MANALO at AARON RECUENCO)