ITATAMPOK ang Polillo Group of Islands sa episode ng Biyahe ni Drew ngayong gabi.
Isa sa highlights ng biyahe roon ni Drew Arellano ang Kabalu Sand Bar na kinaroroonan ng migratory birds na Chinese egrets. Samantala, sa Pulong Coccoc na isang white sand island, kapansin-pansin naman ang rock formation na lumalaki o lumiliit depende kung high tide o low tide. Magtutungo rin si Drew sa Isla Puting Bato na puwedeng mag-caving. Buhay na buhay rin sa Polillo Island ang pearl farming.
Titikman din ni Drew ang mga pagkain sa islanders tulad ng tarukog na “kibit” sa mga taga-Quezon, ang kuray na tila alimango ang hitsura, ang sahang na isang clam fish na malaki ang shell, at ang bulaso.
Para sa pasalubong na tatak Quezon, rekomendado ni Drew ang mga iskulturang gawa ng mga mangingisda sa Nakar. Hindi rin magpapatalo ang mga misis ng mga mangingisda dahil sila naman ay gumagawa ng iba’t ibang produkto mula sa mga tanim sa kanilang bakuran.
At upang makumpleto ang adventure, mag-a-ala-Survivor ang grupo ni Drew sa Anilon Island. Walang cellphone o wi-fi signal at walang basic equipment tulad ng kalan, makayanan kaya ni Drew ang extra challenge na ito?
Sama na sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8 PM sa GMA News TV.