ANG Agosto ay “Sight Saving Month”, alinsunod sa Proklamasyon Bilang 40 na nagsusulong ng mas malawak na kamulatan tungkol sa kahalagahan ng wastong pag-aalaga sa mata at pag-iwas sa pagkabulag at iba pang mga sakit sa paningin, at himukin ang mga Pilipino na ipasuri ang mata.
Hulyo 5, 1954 nang nilagdaan ni Pangulong Ramon F. Magsaysay ang Proklamasyon Bilang 40 kasunod ng inilabas na resulta ng survey ng Philippine Eye Bank noong huling bahagi ng 1940s na nagsasabing may 40,000 Pilipinong may problema sa paningin ang nakaiwas sana rito kung naagapan lamang ang sakit.
May temang “Mas Makikita ang Forever Kung Eye Sight ay Better”, nagsasagawa ang Department of Health (DoH) ng libreng pagsusuri at operasyon sa katarata at libreng pagpapasukat at pamamahagi ng antipara ngayong buwan. Nitong Agosto 14, magdaraos ito ng taunang “Walk for Sight”, isang walong kilometrong paglalakad mula sa CCP Complex patungong Rizal Park, na lalahukan ng libu-libong nagsusulong ng maaayos na paningin, upang itaguyod ang kahalagahan ng paningin at de-kalidad na pag-aalaga sa mata.
Tinutugunan ng DoH ang pagkabulag at iba pang problema sa paningin sa pamamagitan ng Prevention of Blindness Program nito at ng limang-taong (2013-2017) estratehikong plano na ang pangunahing layunin ay mabawasan ang insidente ng pagkabulag sa mga Pilipino, partikular na ang dulot ng katarata, problema sa pagsusuri, at pagkabuhay sa pagkabata, at mapaigting ang serbisyo sa pangangalaga ng paningin sa mga pampublikong ospital at field delivery network. Sa pakikipagtulungan sa Department of Education, nagsasagawa ito ng pagsusuri sa mata upang matukoy ang amblyopia o lazy eye sa mga mag-aaral sa elementarya. Ang amblyopia ay isang kondisyon ng hindi normal na pag-develop ng paningin na hindi nagamot bago sumapit sa ikapitong taong gulang.
Ang bilang ng mga Pilipino na bulag ang magkabilang mata ay nasa 569,072, na 62.1 porsiyento ay dahil sa katarata, 10.3 porsiyento ang dahil sa hindi naiwastong refraction errors, walong porsiyento ang dulot ng glaucoma, at apat na porsiyento ang dahil sa retinopathy o pinsala sa retina. Pangunahing sanhi ng pagkabulag ang katarata, glaucoma, at ang may kinalaman sa pagtanda na panlalabo ng paningin, na pawang nagagamot kung maaagapan. Pinayuhan ng mga eksperto sa mata ang mga Pilipino na huwag nang hintayin pang makaramdam ng problema sa paningin bago magpasuri sa espesyalista.
Kabilang ang Pilipinas sa mga lumagda sa Vision 2020-The Right to Sight, isang pandaigdigang inisyatibo na inilunsad noong 1999 ng World Health Organization (WHO) at ng International Agency for Prevention of Blindness, na nananawagan para sa komprehensibo at napapanatiling eye care service delivery sa tatlong antas ng pangangalagang pangkalusugan—pag-iwas sa sakit, paggamot, at rehabilitasyon—upang masugpo ang mga pangunahing dahilan ng naiiwasang pagkabulag pagsapit ng 2020.
Tinaya ng WHO na nasa 314 na milyong katao sa mundo ang nabubuhay nang malabo ang paningin at bulag; sa bilang na ito, 45 milyon ang bulag at 269 ang malabo ang paningin (moderate hanggang sa severe visual impairment). Ang hindi naiwastong refraction error ang isa sa mga dahilan ng panlalabo ng paningin, habang ang katarata ang pangunahing sanhi ng pagkabulag. Maaaring umabot ang pandaigdigang pagkabulag sa nakaaalarmang 76 na milyon pagsapit ng 2020, anang WHO, tinukoy ang mga risk factor: edad (50 anyos pataas); pagiging babae; kalagayan sa lipunan sa mahihirap na bansa; at mga panganib na gaya ng pagkakalantad sa UV radiation, kakulangan sa vitamin A, mataas na body mass index, at metabolic disorders.