URDANETA CITY, Pangasinan – Pinabulaanan ni Urdaneta City Mayor Amadeo Gregorio Perez IV ang napaulat na nais niyang paalisin ang lahat ng Muslim sa siyudad kaugnay ng kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa isang panayam kay Perez, sinabi niyang walang katotohanan ang nalathala sa isang pahayagan (hindi sa Balita) at kumalat sa mga online portal na sinabi niyang ang mga Muslim ang pinagmumulan ng droga kaya nais niyang magsialis ang mga ito sa lungsod sa loob ng tatlong linggo. Napaulat din na hiniling umano ng alkalde sa konseho na gumawa ng ordinansa na nagbabawal sa mga Muslim na pumasok sa siyudad.

Agad namang naging viral ang nasabing ulat—na nailathala nitong Lunes—at umani na ng mga batikos at marahas na reaksiyon maging mula sa mga hindi Muslim.

“This is not true, and I was never interviewed by this media referring to a certain Jaime Aquino. I was hurt hearing the news,” sabi ni Perez.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ayon sa alkalde, hindi siya kinapanayam ni Aquino kaya hindi siya ang nagsabi ng mga napaulat na pahayag laban sa mga Muslim sa siyudad.

“All the people making business here are welcome, [even] our Muslim brothers, as long as it is legal. Pero kung may hindi po maganda, hindi po dapat i’yan, bawal po ‘yun,” ani Perez.

Dahil dito, plano ni Perez at ng iba pang mga opisyal ng Urdaneta na kasuhan at ideklarang persona non grata ang nasabing manunulat.

DIYALOGO GIIT NG ARMM OFFICIALS

Kabilang sa mga bumatikos sa napaulat ang mga opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sa pangunguna ni Gov. Mujiv Hataman, na tinawag ang ginawa umano ni Perez na “nothing but discrimination (because) in this day and age, it is unthinkable that there are local government officials who would rather take action based on prejudice instead of evidence, and would blindly uproot families from their homes rather than address the root of criminality itself.”

Sinabi ni Hataman na nais ng mga opisyal ng ARMM, katuwang ang National Commission on Muslim Filipinos, na magkaroon ng diyalogo sa mga opisyal ng Urdaneta City upang payapang maresolba ang usapin.

(Liezle Basa Iñigo at Ali Macabalang)