TATLONG bilyon at limang daang piso.
Ito ang tinatayang halaga ang nawawala sa gobyerno at sa mamamayan sa kada araw na dulot ng matinding traffic sa Metro Manila.
Ito ang inihayag ni Secretary Arthur Tugade ng Department of Transportation and Communication (DoTC) nang humarap siya sa joint hearing ng Senate Committee on Public Service, Committee on Constitutional Amendment, at Committee on Finance kahapon hinggil sa panukalang bigyan si Pangulong Rodrigo Duterte ng emergency power upang agad na maresolba ang problema sa trapik.
Maituturing na isa si Tugade sa mga “bright boy” mula sa hanay ng Cabinet member ni Duterte.
Naging scholar si Tugade sa San Beda College at nagtapos na cum laude sa naturang paaralan.
Isa-isang inilatag ni Tugade ang mga panukala ng kanyang ahensiya upang maresolba ang problema sa trapiko.
Nandiyan ang pagbubukas ng ilang private subdivision upang madaanan ng mga sasakyan sa kasagsagan ng traffic, paglilipat ng mga bus terminal na nakabase sa Metro Manila, pagtatalaga ng common bus terminal sa EDSA, pagtatatag ng Bus Rapid System, pagpapakalat ng double decker bus at point-to-point bus, at paggamit ng container transport rail.
Ipinaliwanag naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos ang pagdagsa ng karagdagang dalawang milyong tao sa Metro Manila tuwing araw. Aniya, ang populasyon ng MM ay nasa 12.9 milyon lang sa gabi, pero umaabot sa 14.5 milyon sa maghapon.
Aabot din sa 3,000 kilometrong haba ng kalsada ang kakailanganin upang maibsan ang problema sa trapiko sa Kalakhang Maynila.
Sinisi rin ni Carlos ang kakulangan ng kapangyarihan ng MMDA na mag-imbestiga sa mga aksidente sa lansangan dahil, aniya, tanging ang mga pulis lamang ang may awtorisasyon na gumawa nito.
Ito ang dahilan kung bakit hindi agad maalis ang mga sasakyan na nagbanggaan sa gitna ng kalye.
Lalo ring nagpapabigat sa daloy ng mga sasakyan ang pagdami ng brand new vehicle sa Metro Manila.
Sa taya ng mga car manufacturer, posibleng umabot sa 30 porsiyento ang vehicle sales ngayong 2016.
Sa kasalukuyan, nasa 2.3 milyon ang rehistradong sasakyan sa Metro Manila.
Habang ibinubuhos ng mga opisyal ng DoTC at MMDA ang mga dahilan sa pagbubuhul-buhol ng trapiko, nakanganga naman ang mga senador.
Hindi lang mabatid ni Boy Commute kung nagulat ang mga ito sa laki ng problema sa traffic o talagang hindi nila abot ang level ng talakayan.
Ang tanong ni Boy Commute sa mga senador: Ano ngayon ang gagawin n’yo? (ARIS R. ILAGAN)