TALIWAS sa pananaw ng mga tumututol sa muling pagpapatupad ng Reserve Officers Training Corps (ROTC), naniniwala ako na ang naturang military training ang magkikintal sa isipan ng mga mag-aaral ng tunay na pagkamakabayan at disiplina; ang mga magtatapos ng dalawang taong mandatory ROTC sa kolehiyo ay makatutulong din sa pagpapalakas ng puwersa ng ating sandatahang lakas, lalo na ngayong tayo ay ginigiyagis ng tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ang nabanggit na pagtutol ng ilang progresibong grupo ng kabataan ay nakaangkla sa paniniwala na matatamo ang disiplina at patriotismo kahit na hindi buhayin ang ROTC program. Maging ang Commission on Higher Education (CHEd) ay naninindigan na sisigla ang military at community service sa mga kabataan at mag-aaral kahit walang ROTC.

Iyon din ang pananaw ng militanteng organisasyon ng mga kabataang nanguna sa pagpapabuwag ng ROTC noong 2002, 14 na taon na ang nakalilipas. Bunsod ito ng pagpatay kay Mark Welson Chua, estudyante ng University of Santo Tomas (UST) na nagbunyag ng mga alingasngas at mga tiwaling gawain ng mga opisyal ng ROTC. Nabunyag din ang panggigipit sa mga progresibong estudyante at organisasyon sa UST.

Sa kabila ng ganitong nakadidismayang pangyayari, lalo namang tumindi ang mga panawagan hinggil sa muling implementasyon ng ROTC program – ang two-year mandatory course na kailangang tapusin ng mga college student bago sila magtapos ng kanilang four-year college degree.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mismong mga Senador at Kongresista ang nagsusulong ngayon ng panukalang-batas na lilikha ng Mandatory ROTC ACT.

Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nakikiisa rin sa pagbuhay sa ROTC sa paniniwala na ito ay makapagpapalakas sa reserve force ng bansa; magtuturo rin ito ng mga kaalaman sa panahon ng kagipitan, lalo na kung may mga pagtatangka na maghasik ng kaguluhan.

Palibhasa’y produkto rin ng ROTC program, naniniwala ako na ito ay marapat na manatiling kakambal, wika nga, ng lahat ng kurso sa mga kolehiyo at pamantasan. Makapagpapalakas ito sa ating military service na kailangan sa pagtatanggol sa seguridad ng bansa.

Kailangan lang tiyakin na hindi na mauulit ang nakamamatay na hazing, mga katiwalian at iba pang panggigipit sa mga ROTC cadets na naging dahilan ng pagkakabuwag ng naturang training program. Sa gayon, mailalayo ang mga kabataan at kadete sa masasamang gawain at bisyo; at sila ay hindi lamang magiging mga mamamayang makabuluhan at disiplinado kundi higit sa lahat makabayan. (Celo Lagmay)