ISINUSULONG na ng Department of Education (DepEd), katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang adbokasiya na protektahan at pagtibayin ang karapatan ng kabataang Pinoy, partikular ang mga ulila na sa magulang.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary for Legal and Legislative Affairs Atty. Tonisito Umali, dapat nang matigil ang paglaganap ng pag-aampon sa mga bata na walang kaukulang proceedings.
Aniya, ito ay hindi lamang usapin ng konsepto na ang bata ay legal na makukuha ang apelyido ng kanyang ama, o pantay ang karapatan niya sa mana ng isang tunay na anak, kundi usapin din ito ng respeto at pantay na pagtingin sa isang bata na walang pamilya na magkakaroon ng tunay na pamilya.
“Konsepto ito na walang bata, walang Pilipino na ‘maiiwan’,” aniya pa.
Inilunsad din ng DepEd at ng DSWD ang National Oratorical Contest na may temang “Legal na Ampon Ako: Anak na Totoo (A Child Finds Worth in Legal Adoption)” na nilahukan ng 16 na best high school orators mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Bahagi ito ng paggunita sa 2016 Adoption Consciousness Celebration na ang layunin ay matawag ang atensiyon ng publiko upang matiyak ang pagkakaroon ng nationwide awareness sa legal adoption ng mga isinuko, naulila, inabandona, at pinabayaang kabataang Pinoy, na nangangailangan ng permanenteng tahanan at pamilyang mag-aalaga sa kanila.
(DIOSA L. CUNANAN)