Kalaboso ang isang Hungarian makaraang makunan sa closed circuit television (CCTV) camera ang aktuwal nitong pagbubukas sa isang ATM machine ng bangko sa Taguig City, nitong Martes ng gabi.
Nasa kustodiya ng Taguig City Police ang dayuhang suspek na si Robert Pap, nasa hustong gulang at kasalukuyang isinasailalim sa masusing interogasyon ng pulisya matapos ireklamo ng security officer na si Ralph Buena, kinatawan ng pinagtatrabahuang Bank of Commerce.
Sa ulat na natanggap ni Taguig City Police chief Sr. Supt. Allen Ocden, base sa report na natanggap ni Police Sr. Supt. Allen Ocden, hepe ng Taguig City Police, dakong 9:30 ng gabi nangyari ang insidente sa isang sangay ng nasabing bangko sa Bonifacio Heights, Bonifacio Global City (BGC).
Sa reklamo ni Buena, nakita niya sa CCTV camera na binubuksan ni Pap ang kanilang ATM machine kaya agad nitong ipinaalam sa awtoridad na naging dahilan ng pagkakaaresto ng huli.
Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang iba’t ibang ATM at credit card. (Bella Gamotea)