Bistado ang isang sindikato na umano’y gumagamit sa pangalan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada upang makapangolekta ng milyun-milyong tong sa vegetable dealers at truckers sa Claro M. Recto Avenue at Divisoria.

Nadiskubre umano ng alkalde na ginagamit ang kanyang pangalan sa ilegal na aktibidad nang magtungo sa kanyang tanggapan ang ilang vegetable dealer at nagreklamo sa pagbabayad ng P2,800 kada linggo upang makapagbagsak ng gulay sa Recto Avenue, malapit sa Divisoria market.

Ayon sa mga vegetable dealer, na karamihan ay mga taga-Benguet, nagbabayad din sila ng P80 kada araw para umano sa “business permit” at P300 naman para sa “intelligence fee.”

Napilitan umanong magsumbong ang vegetable dealers at truckers sa alkalde matapos silang pagbawalan na gamitin ang naturang lugar sa pagbabagsak ng kanilang mga paninda bilang bahagi ng road clearing operation at dahil nakasisikip din umano sa daloy ng trapiko.

'May milyonaryo ulit!' Lone bettor, wagi ng ₱15M sa Super Lotto 6/49!

Ayon kay Dennis Alcoreza, hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), 20 hanggang 30 trak ng gulay mula sa Benguet, Baguio, at iba pang probinsiya ang nagbabagsak ng gulay gabi-gabi mismo sa kahabaan ng Recto Avenue.

“Ang ginagawa nila, d’un sila nag-a-unload ng mga gulay, at doon na rin sila nagtitinda sa mismong kalye at sidewalk, eh, main road ‘yun,” ani Alcoreza.

Kaugnay nito, hinikayat ng alkalde ang mga nagreklamong vegetable dealer na pangalanan na ang mga kolektor na nagsasamantala sa kanila.

“Noon ko pa sinasabi na ‘wag nang pahirapan ang mga mahihirap at ‘yung mga nagtatrabaho at nagne-negosyo nang legal.

Dapat nga ay tulungan pa natin sila,” pagdidiin ni Estrada. (MARY ANN SANTIAGO)