Nahaharap ang Pilipinas sa mga seryosong problema sa human rights, mula sa mga pagpatay at pag-torture hanggang sa public health.

Ito ang idiniin ng New York-based Human Rights Watch (HRW) kasabay ng apela kay Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan ang lumalalang problema sa human rights sa pagpapatuloy ng mga operasyong militar sa Mindanao at pagdami ng mga pinapatay na suspek sa droga na umabot na sa 800.

Isa ang HRW sa mga paboritong banatan ni Duterte ngunit hindi ito nakapigil kay Phelim Kine, deputy Asia director ng HRW, na muling lumiham sa Pangulo at magbigay ng ilang suhestyon kung paano nito haharapin ang malalaking problema ng bansa, kabilang na ang epidemya ng AIDS.

Nagbigay ang HRW ng mga rekomendasyon kaugnay sa extrajudicial at summary killings, kawalan ng pananagutan sa mga pang-aabuo ng security forces, proteksyon sa mga katutubo at religious minorities, internal displacement, reproductive health, children’s rights, at lumalalang epidemya ng HIV.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Idiniin ni Kine na may pagkakataon si Pangulong Duterte na baguhin ang mga naging pagkukulang ng mga nakalipas na administrasyon sa pagpaprayoridad sa mga problema sa karapatang pantao sa bansa.

“Duterte needs to act decisively to signal that his government will protect the rights of all Filipinos and roll back the country’s culture of impunity,” aniya.

Ayon sa HRW, hindi dapat pinahihintulutan ni Duterte ang karahasan ng mga vigilante at labis na paggamit ng puwersa, hinimok ito na igalang ang karapatang pantao, bigyan ng due legal process ang mga suspek at paimbestigahan ang pagtaas ng mga patayan simula nang siya ay maupo sa puwesto.

Pinayuhan din ni Kine si Duterte na tugunan ang isyu ng kalusugan na nananatiling isang malaking problema ng bansa.

Binanggit ni Kine na noong Enero 2016, inalis ng Kongreso ang pagpopondo sa contraception na iginarantiya ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Law, kayat naputol ang mahalagang suporta sa mahihirap na Pilipino na umaasa sa ayuda ng pamahalaan para sa ligtas na panganganak at pagpaplano ng pamilya, at proteksyon sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik.

“Duterte should press Congress to restore funding for family planning,” ani Kine.

Sinabi ng opisyal ng HRW na ang Pilipinas sa kasalukuyan ang may “fastest growing epidemic of HIV/AIDS in the world.”

At dapat na atasan ng pangulo ang Department of Health na maglunsad ang national condom-use promotion program at ibalik ang national harm reductions program na nagkaloob ng malilinis na heringilya upang maiwasan ang pagsasalin ng HIV.

Ayon kay Kine, upang maging matagumpay ang panguluhang Duterte, kailangang kalimutan ng Pangulo ang maaangas na pahayag, at sa halip ay isulong ang mga batas at polisiya na nagtataguyod sa mga karapatang pantao. (Chito A. Chavez)