HINDI kami makasingit sa pag-iinterbyu kay Bela Padilla pagkatapos ng Q and A sa presscon ng Camp Sawi sa Le Reve Events Venue noong Martes ng gabi. May intriga pa naman tungkol sa kanila ni Maja Salvador na matagal na naming gustong itanong sa kanya.

Mabuti na lang at nakasalubong namin si Bela sa ladies room kaya nagkaroon kami ng pagkakataong tsikahin siya.

Kinumusta namin kung ano ang next project niya sa ABS-CBN dahil matagal na rin siyang hindi napapanood simula nang mawala siya sa FPJ’s Ang Probinsyano.

“May bago po akong soap, hindi ko pa lang po alam kung ano ang title kaya nakakatuwa po,” kaswal na sagot ng dalaga habang nag-aayos ng kanyang damit.

Tsika at Intriga

Michael Pacquiao, 'sobrang Latino' dahil sa ilong

Anong unit ang gagawa ng bagong project niya?

“Under Dreamscape (Entertainment) po ulit, kaya ang saya. Hindi ko lang po alam sino ang makakasama ko kasi hindi pa sure ‘yung leading man kasi may soap daw na gagawin,” sagot ni Bela.

Kung kinuha ulit si Bela ng Dreamscape Entertainment, nangangahulugan na hindi totoo ang intriga noon na pasaway siya kaya nawala siya sa aksiyon-serye ni Coco Martin.

Itinanong namin kung okay ba sila ni Maja Salvador, na isa sa sinasabing dahilan ng pag-alis niya noon sa Ang Probinsyano.

“Wala naman po akong alam na dahilan para hindi kami okay kasi po hindi naman kami nagkakaeksena, magkaibang unit po kami, minsan lang ‘yung nagkasama kami. Ang alam ko po, okay naman kami,” pahayag ni Bela na gumaganap naman bilang si Bridgette sa Camp Sawi.

Nabalitaan ba niya na kaya raw umalis si Maja dahil hindi na masaya sa role nito sa Ang Probinsyano at mas maganda pa nga raw ang papel noon ni Bela dahil naging asawa ni Ador (kakambal ni Cardo/Coco) at ni Joaquin Tuazon (Arjo Atayde) kalaunan.

“Ay, hindi po, wala po akong alam kasi focus po ako sa Camp Sawi,” maayos na sagot ng dalaga.

Samantala, sa Q and A, inamin ni Bela na matagal siyang makapag-move on pagdating sa pag-ibig. Aniya, inabot ng tatlong taon bago siya naging okay sa ex-boyfriend niya na ayaw niyang banggitin kung sino, pero duda ng lahat ay taga-showbiz at naka-move on na rin daw.

“Sentimental po kasi akong tao kaya matagal bago ako makapag-move on. Actually, ‘yung three years na ‘yun, tuluy-tuloy ang trabaho ko, taping ako everyday kaya hindi ko siya naiisip.

“Kaya hindi rin ako naka-move on kasi hindi ko nabigyan ang sarili ko ng time na umiyak or pag-isipan dahil nagtrabaho ako ng nagtrabaho ‘tapos nawala na lang mag-isa. Wala akong specific na ginawa masyado,” kuwento ni Bela.

Ang istorya ng Camp Sawi ay tungkol sa lugar na puntahan ng mga babaeng sawi sa pag-ibig para makalimot, at doon nagkakilala ang characters na kinabibilangan nina Andi Eigenmann, Yassi Pressman, Kim Molina, Arci Muñoz at si Bela kasama ang camp master na si Sam Milby at si Jerald Napoles. Mapapanood na ito sa Agosto 24, produced ng Viva Films at N2 mula sa direksiyon ni Irene Villamor at creative director naman si Bb. Joyce Bernal. (REGGEE BONOAN)