“SASALA ang tungtong sa palayok” pero ang impormasyong nakuha ko sa mga “kaibigan” kong nakabaon sa kanilang gawaing paniniktik ay siguradong patok at walang sablay—gaya nang naisulat ko sa kolum na ito na may titulong -- “MGA BAYBAYIN, HAWAK NG DRUG LORD” noong Hulyo 11, 2016.

Sa 30 mayor na nakasama sa 160 “narco” officials na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte nito lamang Sabado ng madaling araw, karamihan ay mga pinuno ng mga munisipyo at siyudad na nasa may tabing-dagat na ayon sa aking impormante ay kalimitan nang kontrolado ng mga drug lord dahil dito umano nila ibinababa mula sa ibang bansa ang kanilang mga epektos.

Ang gobernador at ang congressman umano sa mga lalawigang may coastal town ang masugid na nililigawan ng mga drug lord tuwing eleksiyon at ang mga bata naman nila ang tumatakbong mayor sa mga lugar na baybayin. Kapag umano nanalo na, babrasuhin naman nilang malagay sa lugar ay mga saradong bata nilang opisyal ng PNP para walang hulihan ang operasyon nila ng ilegal na droga. Ang set-up umanong ito ay nangyayari na halos sa buong kapuluan kaya’t napapanahon daw ang operasyong ito ng bagong administrasyon laban sa sindikato ng ilegal na droga sa bansa.

Ang mga mayor daw sa listahan na hindi naman taga-baybaying lugar ay may “alam” sa mga natutuklasang laboratoryo ng shabu sa mga tagong subdibisyon sa kanilang mga nasasakupan pero hindi kumikilos para mahuli ito ng mga awtoridad.

May mga pagkakataon pa raw na si mayor pa ang nagbibigay ng security sa mga miyembro ng sindikato ng droga na nag-o-operate sa kanyang nasasakupan.

Pero tumangging magsalita ang aking mga “kaibigan”nang usisain ko kung bakit wala ni-isang taga-Metro Manila na mga pulis, pulitiko at opisyal mula sa pamahalaang lokal ang napangalanan sa listahang binasa ni Pangulong Duterte gayung dalawa sa mga sumukong mayor na taga-Mindanao ay aminadong ang mga epektos nila ay sa Metro Manila dinadala.

Ang labis na ikinalungkot kong impormasyon ay ang pagdami raw ng mga batang sumusuko at aminadong nagsa-shabu, gayung ang mga ito ay nasa elementarya pa lamang— at ang nakikita nilang dahilan nang biglang pagdami ng mga batang adik ay ang paglaki ng produksyon ng shabu at ang paglalabasan ng mga batang pusher na kung magbenta ng shabu ay parang naglalako lang ng kutsinta at bibingka sa mga iskinita at bangketa.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)