Magsasagawa ng fact-finding investigation ang Korte Suprema hinggil sa umano’y pagkakasangkot ng judges sa ilegal na droga.
Matapos ang full court session hinggil sa isyu, hiniling ng Supreme Court (SC) kay Executive Secretary Salvador C. Medialdea na magsampa ng complaint-affidavit sa loob ng pitong araw.
Kabilang sa mga isinangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa droga sina Judges Exequil Dagala ng municipal trial court (MTC) sa Dapa-Socorro, Surigao; Judge Adriano Savillo ng regional trial court (RTC) sa Iloilo City; Judge Domingo Casiple ng RTC sa Kalibo, Aklan; at Judge Antonio Reyes ng RTC sa Baguio City. Ang mga ito ay pinasasagot din sa reklamo sa loob ng pitong araw, ayon kay SC Spokesman Theodore O. Te sa isang press briefing.
Si retired SC Justice Roberto A. Abad ang kaisa-isang mag-iimbestiga sa reklamo na tatagal lang ng hanggang 30-araw.
(Rey G. Panaligan at Beth Camia)