PALIBHASA’Y may likas na paggalang sa mga yumao, hindi ko matanggap kung bakit hanggang ngayon ay nananatili ang pagtutol ng ilang sektor ng sambayanan sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). Totoo, katakut-takot ang nagdusa nang ideklara ng naturang lider ang martial law noong 1972.
Subalit siya ay matagal nang sumakabilang-buhay at kailangan nang ilibing sa lugar na angkop para sa kanya.
Totoo na hindi madaling maghilom ang sugat na nilikha ng isang diktador. Sinasabing marami ang pinatay at nawala na hindi na natagpuan; maraming ipiniit at pinahirapan. Mismong mga miyembro ng media ang unang naging biktima ng naturang rehimen. Unang ipinasara ang lahat ng media outfit; nawalan ng ikinabuhay ang ating mga mahal sa buhay; walang masulingan upang humingi ng saklolo. Subalit hindi ito dahilan, sa aking pananaw, upang sisihin at paghigantihan ang isang namatay.
Ang nabanggit na mga pagtutol ay kabaligtaran ng paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi nagbabago, at tila lalo pang tumitindi, ang kanyang paniniwala na ang dating Pangulong Marcos ay marapat lamang mailibing sa LNMB.
Paulit-ulit niyang sinasabi, lalo na noong presidential campaign, na: “I will allow the burial of Marcos at the LNMB.” Binigyang-diin niya na iyon ang libingan ng mga Presidente at mga sundalo. Idinugtong ng Pangulong Duterte:
“Marcos was a president. As a matter of fact, I voted for him during his first term. My father (former governor Vicente Duterte) was with him, he was a cabinet member. Marcos was a solider.”
Inaasahan at hindi tinututulan ni Pangulong Duterte ang mga protesta sa kanyang pasya. Nais lamang niyang matiyak na ang isasagawang mga pagkilos ay hindi magiging dahilan ng trapik; at pananagutan nila sa sambayanan ang anumang kaguluhan.
Isang ahensiya sa Department of National Defense (DND) – ang Philippine Veterans Office (PVO) – ang inatasang makipag-ugnayan sa pamilya Marcos para sa burial preparations. May ulat na nais ng naturang pamilya na ang libing ay isagawa sa Setyembre 11 kaugnay ng ika-99 taong kaarawan ng dating Pangulo na hanggang ngayon ay nakaburol sa kanilang mansion sa Batac, Ilocos Norte.
Sa kabila ng magkakasalungat na pananaw hinggil sa Marcos burial sa LNMB, ang paglilibing ay hindi dapat hinahadlangan alang-alang sa katahimikan ng kaluluwa ng kahit sinong yumao. (Celo Lagmay)