SA isang iglap, naging bahagi ang Pilipinas ng kampanya para sa halalan sa Amerika makaraang banggitin ng Republican presidential candidate na si Donald Trump ang ating bansa bilang isa sa siyam na “terrorist nations” na ang mamamayan, aniya, ay hindi dapat pahintulutang pumasok sa United States.
Nagtatalumpati si Trump sa isang political rally sa Portland, Maine, nang muli niyang tuligsain ang mga immigrant na itinuturing niyang banta sa seguridad ng Amerika. “We’re letting people come in from terrorist nations who should not be allowed because you can’t vet them.” Binanggit niya ang mga sumusunod na bansa: Syria, Iraq, at Yemen sa Middle East; Somalia at Morocco sa Africa; Pakistan, Afghanistan, at Uzbekistan sa gitnang Asia; at ang Pilipinas sa Far East Asia.
Nauna rito, inihayag ni Trump na ipagbabawal niya ang mga Mexican sa pagpasok sa United States sakaling mahalal siyang pangulo, inilarawan ang karamihan sa mga immigrant mula sa nasabing bansa sa katimugang hangganan bilang mga gangsters, durugista at rapist. Nagmungkahi rin siya na ipagbawal ang mga Muslim immigrant mula sa alinmang bansa. Nitong Huwebes, pinalawak pa niya ang kanyang listahan ng mga hindi kaiga-igayang dayuhan, binanggit ang anim na iba pang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Nagkomento si Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar: “It is ironic for Mr. Trump to say disparaging remarks about the Philippines considering his major real estate ‘brand’ investment in Makati called Trump Tower.” Hindi na pinalawig pa ang opisyal na komentong ito.
Naging prangka at wala sa lugar ang pagbatikos ng pambato ng Republican sa iba’t ibang uri ng tao—ang minorya, kababaihan, hukom, maging ang ilan sa mga kapwa niya Republican. Nagpahayag naman ng pangamba ang mga pinuno mula sa ilang bansang Western European kaugnay ng banta niyang tatalikuran na ng Amerika ang ilang dekada nang pagsuporta sa mga ito laban sa anumang banta. Natural lang na mariin siyang batikusin ng Democrats, ngunit sa nakalipas na mga araw, maging ang mga opisyal ng sarili niyang Republican Party ay nagpahayag ng hindi kapani-paniwala—suporta sa kandidato sa pagkapangulo ng ibang partido.
Mayroon pang tatlong buwan bago idaos ang eleksiyon sa Amerika sa Nobyembre at marami pa ang maaaring mangyari.
Naging pambihira rin ang panahon ng halalan na ito para sa Amerika. Patuloy natin itong susubaybayan ngunit mas makabubuti siguro para sa ating sariling mga opisyal na huwag nang makisali sa lalong nagiging kontrobersiyal na kampanya at huwag na lamang pansinin ang Republican candidate na si Trump sa dumadami nitong pinupuntirya sa Amerika at sa mundo.