AABOT sa 3,000 Internet users ang maaaring makinabang sa libreng Wi-Fi na ikinabit ng PLDT Inc. at Smart Communications Inc. sa Bacolod-Silay Airport na may bilis na 30 hanggang 40 megabytes per second (MBps), ayon sa ulat ng Philippines News Agency (PNA).
Ayon kay Ma. Mecine Reyes, manager ng Bacolod-Silay Airport, ang Wi-Fi project ay may mahalagang tungkulin sa pagpapaunlad sa nasabing paliparan pagdating sa pagkakaloob ng mas accessible na internet connection sa kanilang mga kliyente.
Ang “Smart Wi-Fi,” na may bandwidth na one gigabit per second, ay abot hanggang sa layong 30 metro mula sa iba’t ibang access point, kabilang na rito ang waiting at parking areas.
Kabilang ang Bacolod-Silay Airport sa 16 na paliparan sa bansa na nakapaloob sa “Smart Wi-Fi” project ngayong taon.
Ayon naman kay Finina Gorres, PLDT at Smart vice president at head ng Enterprise Costumer Operations, ang Bacolod-Silay Airport ang ikatlong paliparan sa bansa na may libreng high-speed internet service kasunod ng Davao City at Cagayan de Oro.
Nakatakda ring ilunsad ang nasabing proyekto sa Iloilo Airport.
“This initiative will provide airport customers that experience of staying productive and connected all the time,” pahayag ni Gorres.