NEW YORK (Reuters) – Nagtayo ang China ng mas matitibay na mga aircraft hangar o silungan ng mga sasakyang panghimpapawid sa mga inaangkin nitong lugar sa Spratly Islands sa pinagtatalunang South China Sea batay sa mga bagong litrato mula sa satellite, iniulat ng New York Times nitong Lunes.

Walang namataan na sasakyang panghimpapawid ng militar nang kunin ang mga larawan nitong huling bahagi ng Hulyo ngunit ang mga silungan ay may lugar para sa eroplanong pandigma ng Chinese air force, ayon sa Times, binanggit ang analysis ng Washington-based Center for Strategic and International Studies (CSIS) sa mga litrato.

Itinayo ang mga silungan ng eroplano sa Fiery Cross, Subi at Mischief Reefs, sa bahagi ng Spratly Islands. Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, na dinaraanan ng $5 trillion kalakal ng mundo bawat taon. Karibal nito sa mga pag-aangkin ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Taiwan at Brunei.

Lumabas ang mga litrato halos isang buwan matapos magdesisyon ang international court sa The Hague laban sa malawakang pag-aangkin ng China sa rehiyong sagana sa likas na yaman, isang hatol na binalewala ng Beijing.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hinimok ng United States ang China at iba pang umaangkin sa lugar na huwag militarisahin ang South China Sea.

Pauulit-ulit namang itinanggi ng China na ginagawa nila ito, iginiit na ang mga pasilidad ay para sa mga sibilyan at gamit para sa self-defense, kasabay ang pagbatikos sa mga pagpapatrulya at pagsasanay ng U.S. sa dagat na ayon dito ay nagpapainit sa mga tensiyon sa rehiyon.

Ang mga silungan ng eroplano ay pawang nagpapahiwatig ng pagpapalakas ng mga istruktura, ayon sa CSIS.

“They are far thicker than you would build for any civilian purpose,” sabi ni Gregory Poling, director ng Asia Maritime Transparency Initiative ng CSIS, sa Times. “They’re reinforced to take a strike.”